Pulitikong palipat-lipat ng partido kinastigo

DISMAYADO ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga pulitikong bagamat malayo pa ang halalan, ay nagpapalipat-lipat na ng partido pulitikal na kinaaaniban.

Ayon kay CBCP-National Secretariat for Social Justice and Peace (NASSA) executive secretary Father Edu Gariguez, nakakadismaya ang ganitong kultura ng pulitika sa bansa.

Sinabi ni Gariguez na nagpapakita lamang ito nang kawalan ng malinaw na paninindigan ng mga pulitiko dahil sa kanilang mga pansariling interes.

Kaugnay nito, nanawagan ang pari sa mga botante na kilalaning mabuti ang kanilang iboboto hindi batay sa personalidad kundi sa kakayahan, moralidad, pagiging makatao at maka-Diyos ng mga ito.

“Nakakalungkot sa ating pulitika na wala naman talagang tindig o malilinaw na dinadala ang mga partido o kandidato kundi kanila lamang mga personal na interes,” ayon kay Gariguez, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Nakakadismaya dahil bagama’t malayo pa ang halalan e may napapansin na tayong mga pulitiko ang lumilipat sa ibang partido para lamang maka-survive sa kanilang political career.   Kaya nga bahagi ng pagreporma natin sa ating pulitika na hindi nangyayari ang pagkakaroon ng flatform ng isang partido na siyang susundan at hindi naka-base sa pang-personalidad,”  anang CBCP official.

Nauna rito, ilang pulitiko na ang ngayon pa lang ay lumilipat na nang kinaaanibang political party upang matiyak lamang ang panalo sa susunod na halalan, bagamat matagal pa ang 2013 midterm polls.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply