Ramona, tinabla ng RTC sa Ramgen slay case

TINABLA ng Parañaque Regional Trial Court (RTC) ang hiling ng kampo ni Ramona Belen Bautista na bawiin ang arrest warrant na inilabas laban sa kanya kaugnay sa pagpaslang sa kapatid na si Ramgen Revilla at malubhang pagkasugat sa kasintahan ng pinaslang na si Janelle Manahan.

Batay sa dalawang pahinang kautusan ni Parañaque RTC Judge Fortunito Madrona ng Branch 274, ibinasura rin niya ang hirit ni Ramona na alisin na ang hold departure order laban sa kanya at bawiin ang kanselasyon ng kanyang pasaporte.

Si Ramona at nakababatang kapatid na si Ramon Joseph Bautista ang itinuturong pangunahing suspek sa pagpaslang kay Ramgen, kasama ang lima pa na pawang nakapiit sa Parañaque City Jail.

Magugunita na sa kanyang pang-unang salaysay sa pulisya, sinabi ni Ramona na dinukot at isinama siya ng mga pumaslang sa kanyang kapatid subalit binawi niya ito bago umalis palabas ng bansa patungo sa Turkey kung saan naninirahan ang kanyang banyagang asawa.

Nang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Ramona, naghain kaagad ang kanyang abogado ng judicial determination of probable cause sa Department of Justice at pinarerebisa sa tagausig ang unang desisyon na isangkot siya sa kaso.

Wala umano sa kapangyarihan pa ng korte ang kaso dahil hindi pa naglalabas ng resolusyon ang DOJ sa inihain nilang mosyon kaya kinakailangang bawiin ang arrest warrant pati na ang hold departure order at kanselasyon ng pasaporte.

Ikinatwiran naman ni Judge Madrona na ang dahilan ng paglalabas niya ng warrant of arrest laban kay Ramona ay upang ipabatid na nasa ilalim na ng kapangyarihan ng husgado ang mga akusado.

Naglabas na rin aniya ng desisyon ang tagausig hinggil sa nakitang matibay na ebidensiya na magsasangkot kay Ramona sa krimen bago pa man sila maghain ng petisyon sa DOJ.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply