Raymart, Claudine kinasuhan na si Tulfo

NAGHAIN na ng kontra demanda ang kampo ng mag-asawang Raymart at Claudine Barretto Santiago sa Pasay City Prosecutors Office sa kasong physical injuries at child abuse laban sa beteranong broadcaster na si Ramon Tulfo kaugnay sa nangyaring insidente ng karahasan nitong Linggo sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Batay sa walong pahinang reklamo na inihain sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Juliet Susan Garcia, iginiit ni Atty. Alex Avisado, abogado ng mag-asawang Rozzelle Raymond Martin Santiago at Claudine Margaret Barretto na si Tulfo ang unang sumuntok at sumipa sa aktor na si Raymart nang sitahin kung bakit kinukuhanan ng larawan ang misis na si Claudine habang nakikipagtalo sa ground steward ng Cebu Pacific kaugnay sa naiwanan nilang bagahe sa Aklan.

Nang makita ni Claudine ang pananakit sa asawa, sinita niya si Tulfo subalit siya naman ang itinulak at sinipa ng dalawang ulit na tumama sa kanyang kaliwang hita.

Inihayag din ng mag-asawa na dahil sa naturang insidente, naapektuhan ang damdamin at kaisipan ng kanilang dalawang anak na sina Sabina at Santino  na sa kasalukuyan ay dumaranas ng psychological at emotional trauma.

Dahil dito, nangangamba ang mag-asawa na dadalhin ng kanilang mga anak sa kanilang paglaki ang nasaksihang insidente kaya idinagdag nila ang kasong paglabag sa R.A. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa panayam naman kay Raymart, inihayag niya na matapos ang tinanggap niyang pagbabanta sa magkakapatid na Tulfo, may umaaligid na umanong van na walang plaka sa kanilang bahay kaya humingi na sila ng kaukulang proteksiyon sa pulisya na ngayon ay nagbibigay sa kanila ng 24-oras na seguridad.

Sa kabila ng pagbabanta, wala aniya silang planong umurong sa kaso lalo na’t malinaw na sa publiko naman humingi ng paumanhin ang magkakapatid na Tulfo sa kanilang isiniwalat na pagbabanta sa kanilang programa sa telebisyon at hindi sa kanilang mag-asawa.

Nanawagan din ang dalawa sa kumuha ng video footage sa nangyaring bugbugan na lumutang at baka sakaling may kuha rin ito bago pa man mangyari ang insidente ng karahasan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply