Reaping the fruits of hardwork

PINAY, nagmamay-ari ng isang kilalang fashion and lifestyle magazine sa US!

Kinikilala, pinagkakatiwalaan at tinatangkilik sa United States ang isang sikat na fashion and lifestyle magazine na kung tawagin ay Baby Couture.

Sa aking minsang pagdalaw sa nasabing bansa ay pinalad akong makapanayam ang may-ari ng kilalang magazine na ito, na si Tanya.

Isinalaysay sa akin ni Tanya na nagsimula ang pagkabuo ng nasabing magazine ng ipanganak niya ang kanyang panganay na anak na si Sabina at sa kanyang hilig na ipamili ito ng mga damit pambata na maaari nitong suotin, hanggang sa mabuo sa kaniya ang ideya ng Baby Couture.

Taong 2005 nang manirahan ang pamilya ni Tanya sa US at makalipas ang isang taon ay napasimulan nila ang publikasyon ng Baby Couture. Bagaman may kaalaman na sa linya ng publikasyon sapagkat nagmamay-ari sila ng isang publishing house dito sa bansa ay higit pa sa salitang mahirap ang pinagdaanan nila upang maitaguyod ang BC.

Bagong lugar at hindi pamilyar na kapaligiran, kawalan ng sapat na koneksyon at pagiging dayuhan o dayo sa US ang ilan sa mga pagsubok na sinuong ni Tanya bago naitaguyod at nagtagumpay ang BC, na noong umpisa ay isang fashion magazine lamang kung saan maaring makita ang latest trend o ‘in’ sa fashion para sa mga bata, hanggang sa lumawak ito at mag-simula na ring mag-cater sa mga ilaw at haligi ng tahanan.

Nagsimula itong makilala bilang isang babasahin na kilala bilang fashion guide ng pamilya hanggang sa magsimula na rin itong mag-feature ng mga paksang may kinalaman sa lifestyle o pamumuhay.

Sa kasalukuyan ay isa na sa mga tanyag at pinagkakatiwalaang fashion and lifestyle magazine ang Baby Couture at ilan na rin sa mga sikat at bigating Hollywood celebrity ang kanilang nai-feature dito.

Ilan sa mga ito ay sina Tony Hawk, Martin Sheen, Courtney Karda-shian at ang maybahay ni Kevin Costner  kasama ang kanilang anak.

Ayon na rin kay Tanya ay hindi isang gabi lamang ang ginugol nila upang maabot ang ganitong estado, dumaan sila sa taon ng mga pagsubok at labis na pagsisikap at pagtitiyaga bago nabigyan ng pagtitiwala at respeto ng mga taga-US ang BC.

Inamin rin niya na halos wala siyang lakas ng loob na pasimulan ang pagtatayo nito noong una subalit dahil na rin sa suporta at tulong ng kanyang asawa ang dating ideya at pangarap lamang ay naging katotohanan.

Panalangin, tiyaga, pagbangon at pagharap mula sa mga hamon at pagsubok na kinkahaharap at patuloy na pagsisikap ang naging susi ni Tanya at ng kanyang pamilya upang matamasa at anihin ang matamis na bunga ng kanyang mga pagsisikap. Ika nga ‘how sweet it is to reap the fruits of your hardwork!’

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply