Retiradong pulis patay sa gunmen

ZARAGOZA, Nueva Ecija – Patay ang isang retiradong miyembro ng Philippine National Police makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo habang ito ay nagbibisikleta sa kanilang lugar na sakop ng Barangay Sto. Rosario Old ng bayang ito, noong Sabado ng umaga.

Kinilala ni P/Senior Supt. Manuel Lukban, officer-in-charge ng Nueva Ecija Police Provincial Office, ang biktima na si Napoleon Escosa y Paraton, 48, may-asawa, ng Barangay Sto. Rosario Old, isang dating pulis na nag-early retirement at minsang nagsilbing municipal councilor sa bayang ito.

Nabatid sa imbestigasyon na hindi pa gaanong nakakalayo ang biktima sa pagbibisikleta mula sa kanilang bahay nang biglang barilin dakong alas-8 ng umaga ng dalawang lalaki na kapwa naka-helmet at sakay ng isang kulay itim na motorsiklo.

Agad umanong tumakas ang mga suspek at binaybay ang Sta. Rosa-Tarlac road.

Nagawa pa umanong humingi ng saklolo ang biktima sa mga kalapit na residente sa naturang lugar at tinulungan naman agad ni Alberto Arsenas, 62, na ang bahay ay malapit lang sa naturang lugar na pinangyarihan ng insidente.

Dalawang sunod na putok umano ng baril ang narinig ni Lolo Alberto at nang makaalis ang mga suspek ay agad nitong tinulungan ang biktima na madala sa Ramos General Hospital sa kalapit na Tarlac City.

Katuwang ni Lolo Alberto sa pagdala sa pagamutan sa biktima sina Valeriano Alberto, 52, kaanak ng biktima; Victorio Viola, 37; at Ramon Domingo, 70. Habang isinusugod ang biktima sa pagamutan ay natanong pa nina Lolo Alberto ang biktima kung sino ang bumaril sa kanya at sagot nito ay “Hindi ko kilala.”

Patuloy pa rin na magsasagawa ang pulisya ng malalimang imbestigasyon sa kaso upang alamin ang motibo sa pamamaslang sa biktima. –Ver Sta. Ana

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply