Ruta at oras ng truck ban babaguhin ng MMDA

PLANO ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkakaroon ng pagbabago sa ipinatutupad na truck ban sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Ani MMDA Chairman Francis Tolentino, tatalakayin ngayon sa kanilang pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC) ang posibleng pagbabago sa ipinaiiral na truck ban matapos ang matagumpay na total truck ban na kanilang ipinatupad nang ganapin sa Maynila ang ika-45 pagpupulong ng Asian Development Bank (ADB) noong unang linggo ng kasalukuyang buwan.

Bukod sa posibleng pagbabago sa ipinaiiral na truck ban, sinabi ni Tolentino na kabilang din sa tatalakayin ngayon sa pagpupulong ng MMC ang pagpapataw ng mas mataas na multa sa jaywalkers na nananatiling lumalabag sa umiiral na ordinansa.

“Pag-uusapan sa MMC meeting kung babaguhin ang truck ban, kung ito ba ay ii-extend, i-modify, iibahin o babaguhin ang ruta o oras,  Hindi naman ito mamamadalin kasi titingnan din natin ang concern ng ibang sektor halimbawa yung sa business sector na maaaring maapektuhan,” ani Tolentino.

Sa kasalukuyan, nakapaloob sa umiiral na truck ban ang pagbabawal sa mga may kargang 4,000 kilo na tumahak sa mga lansangan mula alas-6 hanggang alas-9 sa umaga at alas-5 hanggang alas-9 ng gabi maliban kung araw ng Linggo at piyesta opisyal.

May katapat na multang P500 ang mahuhuling lalabag sa umiiral na truck ban.

Sa panig naman ni MMDA Traffic Engineering Center Director Noemi Recio, nauunawaan aniya nila ang apela ng ilang sektor na ipatupad na ng permanente ang truck ban sa araw bagama’t nilinaw niya na ang pagpapatupad nito ay hindi ganoon kadali dahil kinakailangan munang marinig ang panig ng mga apektadong sektor.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply