Salamat po sa inyong pagtitiwala

WALA pong unang gagawin ang ULTIMATUM kundi ang magpasalamat sa lahat ng mediaman na nagpahayag ng kanilang pagtitiwala sa atin para pamunuan muli ang National Press Club sa susunod na dalawang taon.

Nagpapasalamat din tayo sa pagtitiwala ng nakararami sa ating mga kasamahan sa Press Freedom Party na nanalo rin sa halalan na naganap kamakalawa sa NPC Building, Intramuros, Manila.

Binabati ko na rin ang kasamahan nating sina Marlon Purificacion, vice president; Louie Logarta, secretary; Jerry Yap, treasurer; at Rolly “Lakay” Gonzalo, Auditor.

Malugod din nating binabati ang mga bago nating kasamang direktor na sina Boying Abasola, Alvin Murcia, Paul Gutierrez at Arlie Calalo.

Ibinalik naman ng ating mga kapatid sa hanapbuhay bilang direktor sina Mina Navarro, Ma. Kristina Maralit, Nats Taboy, Ronniel de Guzman, William Depasupil at Joel Egco.

Maraming-marami pong salamat sa inyo.

MATAPAT NA PAGLILINGKOD

Hayaan po ninyong ihayag ng buong grupo ang kanilang katapatan sa National Press Club at sa mga kapatid  natin sa propesyon.

Ipagpapatuloy ng bagong pamunuan ang paghahasik ng mga punla na ikatatatag ng NPC.

Magtatanim din ito ng mga puno na magbibigay ng silong sa nagtitiwala sa NPC.

Matapat na ipatutupad ng bagong pamunuan ang pagkalinga ng NPC sa mediamen na nangangailangan.

Sa edukasyon, sa kalusugan, sa oras ng disgrasya, sa buhay at kamatayan.

Kung magkakaroon man ng pagkukulang, sana’y punuan na lamang natin ng pang-unawa at pagtulong.

KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG

Ang kalayaan sa pamamahayag, mga Bro, ang pinakasensitibong usapin at pagtutuunan ito ng lubos na pansin ng bagong pamunuan ng NPC.

Hindi lingid sa lahat ang katotohanang mahigit nang 160 ang napapatay sa ating hanay simula nang bumalik ang kalayaan at demokrasya noong 1986.

Akalain ba nating, lagi na lang nakaapak ang ating isang paa sa hukay ng kamatayan habang ginagampanan natin ang ating propesyon. Kung hindi tayo minamasaker, sina-salvage naman o basta na lang tayo pinapatay sa saksak nang walang kalaban-laban.

PAKIKIHAMOK SA MAKAPANGYARIHAN

Ang pakikihamok sa mga makapangyarihan at halang ang kaluluwa na kriminal ang karaniwang pinag-uugatan ng pamamaslang sa ating mga kapatid sa hanapbuhay.

Ke daanin sa paupo o hindi ang ating mga pagbabalita o paghahayag ng opinyon, yang pagkitil sa ating buhay ang puntirya ng mga animal na ito.

Sa kagustuhan ng mga abusadong makapangyarihan at notorious criminals na itago sa mata ng publiko ang kanilang mga pang-aabuso at krimen, yang pagpaslang sa mediamen ang kanilang ginagawa.

Sa tingin nila, ang pagpatay sa mediamen ang pinakamabisa na censorship o pagsasara ng siper sa bunganga o pantunaw sa ballpen ng mediamen sa pagbabalita ng katotohanan.

HUWAG MATAKOT, MAKIBAKA

Bagama’t tunay na may mga pinanghihinaan ng loob sa harap ng kamatayan, nananatili namang matatag ang loob at dibdib ng nakararami  na humawak ng ballpen, mikropono at computer at makinilya para ipagpatuloy ang mga pagbabalita.

At ito ang ipagpapatuloy na gawin ng pamunuan ng NPC. Hindi dapat na tumiklop ang tuhod ng mediamen sa kalawit ng kamatayan.

Bagkus dapat nitong pagsumikapan ang pagtindig at ihayag ang mga makatotohanang pagbabalita.

Hindi kukurap ang NPC sa pagbabantay sa mga pumapatay sa kalayaan sa pamamahayag.

KASONG LIBELO

Isang mabigat na kinakaharap ng mediamen ang mga kasong libelo na isa ring uri ng censorship.

Karaniwang ginagamit ng mga dapat punahin sa lipunan ang kasong libelo para siperan sa bunganga at takpan ang mata ng mediamen sa pagbabalita at pagkalkal ng katotohanan.

Mabigat ang pagkakaroon ng kaso dahil magastos ito at nakaiistorbo sa trabaho.

Gagastos ka na nga sa abogado at piyansa, gagastos ka pa para sa danyos kung matatalo ka.

Paano kung isang kahig, isang tuka ang kapatid natin sa hanapbuhay na binubugbog ng kasong libelo?

Dito nangangako ang NPC ng tulong.

Hindi man nito maipangangako ang langit, tinitiyak ng NPC na maaalalayan ang mediamen hanggang sa katapusan ng kaso.

KALILIMUTAN ANG PANINIRA

Sa simula’t simula, hindi binigyan ng pansin ng mga nahalal ang mga paninira sa kanila sa lahat na yata ng medium sa pamamahayag. Diaryo, internet, radyo at iba pa.

Ito rin ang ating gagawin bukas at sa darating pang mga araw. Ituturing nating charge to experience ang lahat ng nakaraan.

Ang mahalaga, hindi umepekto ang mga paninira at hindi napigilian ng mga ito ang kapatid sa pagsusulat ng mga pangalan ng mga kandidatong gusto nilang maglingkod sa NPC at sa kanila.

PAGKAKAISA

Mula rito, nananawagan tayo ng pagkakaisa ng lahat ng mediamen para maisulong ang ating buhay bilang malayang mamamahayag.

Alalahanin natin hindi tayo nabubuhay para sa ating mga sarili.

Marami, lalo na ang mamamayan, ang umaasa sa atin sa oras ng kanilang kagipitan, paghahanap ng katotohanan, paggigiit ng kanilang mga karapatan at iba pa.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply