Samahan namin ni PNoy ‘di mawawasak– Erap

SINABI ngayon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na hindi mawawasak ng pulitika ang magandang samahan nila ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.

Ayon kay Estrada, bagama’t posible na hindi siya ang suportahan ni Pangulong Aquino bilang kandidato sa pagka-alkalde ng Maynila ay hindi naman siya magtatanim ng sama ng loob laban dito.

Idinagdag pa ni Estrada na hindi kayang wasakin ng pulitika ang samahan nila ni Pangulong Aquino dahil pinanday ito ng iisang layunin, ang makapagbigay aniya ng tapat at taus-pusong paglilingkod sa taumbayan.

Inaasahang makakalaban ni Estrada sa kanyang planong pagkandidato bilang punong opisyal ng kapitolyo ng Pilipinas si Manila Mayor Alfredo Lim na kasapi ng partido Liberal.

Inihayag din ni Estrada na hindi rin ito magtatanim ng sama ng loob kay Lim sa sandaling magharap sila bilang mga kandidato sa pagka-alkalde ng Maynila.

Aniya, siya mismo ang pumili kay Lim bilang DILG secretary matapos na maging kalaban ang una noon 1998 presidential elections.

Samanatala, bilang paghahanda sa binabalak na pagtakbo sa lokal na posisyon, nagpatala na si Estrada sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) upang maging lehitimong botante ng Maynila, partikular na sa ika-apat na distrito ng lungsod.

Ito ay matapos lumipat ng tirahan si Estrada, mula sa Greenhills, San Juan patungo sa Barangay 781, Zone 57, Sta.Mesa, Manila.

Ang dating Pangulo ay ipinanganak noong April 19, 1937 sa Manuguit Tondo, Manila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply