SBMA LED, binastos ni Tambungan

INIMBITA ni Olongapo Mayor James J. Gordon, Jr. ang Law Enforcement Department (LED) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kamakailan sa Peace & Order Council meeting sa Olongapo City Hall.

Tama lang na dapat isali ang SBMA LED na siyang kapulisan sa loob ng Subic Bay Freeport na tawid bakod lang sa lungsod. OK tayo riyan sa ugnayan para sa seguridad kapwa ng Olongapo at Freeport.

Ang hindi OK ay ang ginawa sa ipinadalang kinatawan ni LED Head Retired Police Chief Supt. Orlando M. Maddela sa naturang Peace & Order Council meeting.

Ipinaaresto at ipinaditene ni Olongapo PNP City Director Christopher Tambungan ng mahigit labinlimang (15) oras sa Station 1 ng PNP sa ‘Gapo si LED Security Escort Anthony F. Cappal dahil umano sa illegal possession of firearms.

Walang pakilalam si Tambungan na kaya kasama si Cappal ni LED Operations Chief Vicente J. Tolentino sa Peace & Order Council meeting ay may mga armadong pumasok at nagtangkang pumatay kay Tolentino mismo sa loob ng kanyang bahay sa Dinalupihan, Bataan kamakailan lamang.

Walang pakialam si Tambungan na ipinakita na ng LED na ang S&W 9mm pistol ni Cappal na may serial no. VYZ 6953 ay kasama sa  LCR (Long Certificate of Registration) para sa SBMA mula kay PNP Chief Supt. Napoleon R. Estilles bilang hepe ng PNP Firearms & Explosives Office.

Walang pakialam si Tambungan sa kopya ng Duty Detail Order (DDO) ni Cappal na nagtatalaga sa kanya ng naturang pistol bilang security detail.

Walang pakialam si Tambungan na hindi lalampas dapat ng labindalawang (12) oras ang pagditene sa isang taong hindi naman kinasuhan.

Walang pakialam si Tambungan na kaya naroon sina Tolentino at Cappal ay dahil sa imbitasyon ni Mayor Gordon para mag-attend ng Peace & Order Council meeting.

At kung walang pakundangang  walang pakialam si Tambungan ay Ito Ang Totoo: wala ring pakialam si Gordon na hinayaan lang ang “attack dog” niyang si Tambungan na lapastanganin si Cappal, Tolentino, Madella, SBMA at sambayanan sa paglabag sa batayang karapatang pantao.

Kung totoong sadyang itinalaga sa Olongapo ni Gordon si Tambungan bilang paghahanda sa darating na halalan para sa ano mang plano, ngayon pa lang.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply