Service provider sa DFA at GSIS sa car insurance

MAALAALA ba ninyo, mga Bro, ang napakalaking problema noon sa insurance ng mga sasakyan na gustong pasukan ng Government Service Insurance System noong panahon ni Aling Gloria?

Kung nakalimutan na ninyo, ipaaalala ko na lang.

TIGIL NEGOSYO

Kung natuloy ang pagkopo ng GSIS sa lahat ng car o vehicle insurance, tiyak na maraming kompanyang insurance ang nalibing na.

‘Yun  bang === patay na at tumigil na sa operasyon.

Ang isang katwiran noon ng GSIS, sigurado ang insurance sa ahensiyang ito.

Kung may claim ng mga nasisiraan ng mga sasakyan o nadidisgrasya, tiyak na makasisingil ang mga ito.

Siyempre pa, inangalan ng mga insurance company ito at hindi natuloy ang pagsosolo ng GSIS bilang insurer sa lahat ng mga sasakyan.

Sinundan na lamang ito ng paglilinis sa hanay ng mga insurance company at lahat ng mga fly by night na kompanya ay sinibak.

Totoo naman kasi na may mga tarantadong insurance company na magaling lang sa singilan ng premium pero agad na nagsasara ang mga ito o “cannot be reached” na kung may mga claimant na ng damages.

YUMAMAN NA SINA SIR

Kung nagtagumpay nga ang GSIS na kunin ang lahat ng insurance ng lahat ng sasakyan na inirerehistro sa Land Transportation Office at sakop ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, tiyak na tiba-tiba ang ahensya.

Lalong yayaman ang GSIS.

Pero ibang usapin kung magkakaroon ng karagdagang benepisyo o wala ang mga GSIS member.

Ang malinaw lang sa panahon na ‘yan ay sandamukal ang opisyal ng GSIS na sumasahod ng milyon-milyon sa loob ng isang taon.

‘Yung  iba nga riyan noon, sa loob lamang ng dalawa o tatlong buwan, ay milyones na ang kinukubra bilang sahod, allowance at sari-saring benepisyo.

Iba pa ang mga kita ng mga ito sa mga korporasyon na doon inilalagak ang bilyon-bilyong pisong pondo ng GSIS.

Puwera pa ang kita nila sa mga “anomalya” sa paggamit umano ng pondo ng ahensya  sa mga magagandang proyekto.

GUTOM, WALANG BUWIS

May kakambal namang kamalasan ang pagyaman ng GSIS.

Bukod sa pagsasara ng maraming insurance companies para sa mga sasakyan, gutom din ang aabutin ng lahat ng mga nabubuhay sa mga nasabing kompanya.

Obvious na may gutom sa mga empleyado ng mga kompanya at hindi na kailangang ipaliwanag ito.

Isa pang kakambal na malas dito ang pagkawala  rin ng income o kita ng pamahalaang lokal at nasyonal mula sa mga insurance company.

Wala nang masisingil na expanded value added tax, corporate tax, permit,  lisensiya, clearance.

Sa dami rin ng mga sasakyan na ginagamit ng mga taong sangkot sa insurance, titigil din ang koleksyon sa mga ito ng EVAT sa langis, sa toll, sa road users tax at iba pa.

LIMOS, PALUGAW NG DSWD

Dahil sa pagdami ng mga gutom sa kalokohan ng GSIS, matataranta naman ang opisina ni Madam Dinky Soliman sa lalong pagdami ng mga naghihirap at nagugutom.

Tiyak na hindi ito magkakandaugaga sa pamimigay ng mga limos at lugaw sa mga pamilyang tinamaan sana ng pagiging ganid noon ng mga namumuno sa GSIS.

At dahil sa wala nang masingil na kahit ano sa mga nagsarang kompanya, lalo namang mababawasan ang gobyerno ng mga pondong sana’y para sa mga produk-tibong proyekto.

Imadyinin mong mauubos lang ang pondo ng gobyerno para sa mga naghihirap at namamalimos dahil sa katarantaduhan ng ilang opisyal ng pamahalaan ay tiyak na maririndi ka.

TRAVEL AGENCIES

Ngayon ay tinigbak ng  Regional Consular Office ng Department of Foreign Affairs sa Cebu ang mga travel agency sa lugar.

Wala nang tatanggapin umanong aplikasyon para sa pagtatatag o renewal ng operation kaya ng mga travel agency.

‘Yun bang === hindi na makapaglalakad ang mga travel agency ng papeles ng mga taong gustong mangibang bansa.

Utos umano ng DFA Undersecretary for Administration ang ganitong hakbang.

Iniutos ito at pinairal naman nang mabilis ng nasabing DFA office sa Cebu.

Nabigla na lang umano ang mga travel agency sa patakarang ito na hindi man lang dumaan sa mga konsultasyon.

MAGSASARA

Siyempre pa, mga Bro, mapipilitang tumigil ang operasyon ng mga independent travel agency.

GUTOM PA, WALANG BUWIS

Tulad ng tinalakay natin sa insurance companies, tiyak din na magkakaroon ng gutom sa lahat ng mga bosing at empleyado ng mga travel agency.

Mawawalan din ng masisingil na buwis ang mga lokal na pamahalaan.

Mababawasan din ang kliyente ng mga building owner na nagpapaupa ng mga espasyo.

Mababawasan din ng kliyente ang mga kompanya ng kuryente, tubig at pati ang mga restaurant ay maaapektuhan na rin, kasama ang mga bangko na nauugnay sa operasyon ng mga ito.

SERVICE PROVIDER

Pero ano itong narinig ng mga travel agency na may mala-GSIS daw na kokopo sa pagpoproseso ng papeles ng lahat ng biyahero?

PNoy, wala bang malaking iskam diyan?

Aba, magdahan-dahan po kayo riyan baka kayo matisod nang malalim!

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply