Si Corona at $10M pera sa bangko

ANO kaya ang mangyayari sa kaso ni Chief Justice Renato Corona ukol sa $10M dollar account?

Hindi kasi kasali ang kaso sa dinirinig na impeachment. Initsapwera ito noon na bahagi ng batayan o articles of impeachment dahil bawal ang mangalkal ng dolyar na salapi ng mamamayan sa mga bangko.

Kung bakit tinatalakay ngayon ay dahil sa pinakialaman ito ng Office of the Ombudsman. Pinipilit si Corona ng Ombudsman na sumagot sa sumbong.

OMBUDSMAN INUTIL KAY CJ

Pero lumalabas naman na walang kapangyarihan ang Ombudsman na imbestigahan at idemanda si Corona habang nakaupo ito bilang Chief Justice.

Anoman ang magiging bunga ng imbestigasyon ng Ombudsman ay maaaring gamitin sa susunod na kasong impeachment. Yan ay kung magkakaroon pa nito.

Kung mai-impeach si Corona at matanggal sa puwesto, pupuwede na bang hawakan o tirisin ito ng Ombudsman para maiharap ito sa Sandiganbayan?

Pero paano ang batas na nagbabawal sa pagsilip sa mga dolyar na salapi ng mamamayan? Nakupo!

SARSUELA ANG PERANG DOLYAR

Kung wala palang magagawa maging ang impeachment court sa dollar account ni Corona, ano pa ang dahilan para patagalin ang mga pagdinig dito?

Maliban lang kung sa palagay ng impeachment court ay pupuwede nitong tanggalan ng pangil ang batas na nagbabawal ng pagsilip sa dollar account.

Pero tiyak naman na maaakusahan ito ng pagmamalabis.

Pero maganda pa rin kung tutuusin ang usaping ito.

Tingnan kung paano mababago ang batas sa dollar account para hindi gawing taguan ng mga nakaw na yaman.

Hindi natin sinasabi na may nakaw na yaman si Corona at darating lang tayo riyan kung aamin o hindi si Corona.

Kung umamin ito, guilty.

Kung hindi, eh, ‘di hindi guilty dahil wala ngang paraan para makalkal ang dollar account at malaman kung nakaw o tago nga ito o hindi.

Paano kaya kung itigil na ang sarsuelang ito?

MAGPAKITA SI CORONA

Ang magandang gawin talaga ng depensa o taga-usig ay itulak si Corona na magpakita sa impeachment court.

Kung magpakita ito, pupuwede na siyang tanungin ng lahat ukol sa mga suspetsang nakaw na yaman at pang-aabuso sa tungkulin.

Pero puwera pa rin dollar account dahil ipinagbabawal nga ito ng batas.

Bukod lang kung ideklara ito ng Supreme Court na unconstitutional o madaliin ng Kongreso na amyenda rito at sasabihing aplikable ang naamyendahang batas sa dollar account na yan.

MARAMI ANG MALULUTAS

Marami ang malulutas na problema at masasagot na mga katanungan kung magpakita nang personal si Corona sa impeachment court.

Ito’y dahil sa mga sari-saring eksaminasyon na pagdadaanan niya. Direct examination, redirect, cross examination at re-cross examination.

Hindi basta makalulusot o makapagsisinungaling si Corona kung isasalang siya sa mga pagtatanong o examination na ito. Kahit Chief Justice pa siya. Diyan na magaganap ang  kasabihan na nabibingwit ang isda sa sariling bibig.

Bukod lang kung marunong sa pagggamit ng lambat ang mga taga-usig at mga senador-hukom at hindi na kailangan ang bingwit.

Magaling naman sa paglambat ang mga senador at kitang-kita ito sa pagiging masaklaw ng kanilang mga kaisipan sa pagsermon at pagkorek sa mga taga-usig at depensa sa kanilang mga punto.

UZI-TEXT

Narito ang mga text message ng ating mga reader sa mga nagaganap sa ating paligid.

PUNA SA MGA SANTIAGO

Ganyan ba ang Pinoy? Hahayaan ba ng press yan? Grabe nagkataon lang na bata pa sina Claudine at Raymart.

Paano kung ganyan din ang gawin sa kanila pagdating nila sa edad na 65? +63927842….

INUTIL NA MGA TANOD

Good am po! Gusto ko lang pong ipalaam sa mayor ng San Jose na ang mga barangay tanod dito sa Area F ay walang mga ginawang aksyon tungkol sa reklamo ng isang ina na muntik mamolestiya.  +63908206….

MANILA VOTERS PINAG-IISIP

Mag-isip-isip na kayo na  Manila voters. Ang daming taga-Manila mismo na pupuwedeng maging Mayor ninyo.

Sakim sa politika si Erap. Alam niya kasi na mas malaki ang kanyang D… sa Manila kung Mayor na siya.  Alam natin lahat na may Record of Corruption si Pangulong Erap. Concerned  citizen.  +63920823…

ANG MGA BALASUBAS

Good pm,Sir. Mensahe ko ito sa mga mahangin,  balasubas at walang mga pinag-aralang mag-asawang Raymart Santiago.

Mahilig palang magmura itong si Claudine. Gayahin mo sina Erap at Manny Pacquiao na hindi mayabang.  Magkano lang yung yaman niyo kumpara kina Erap at Manny, mga mababait sila?

Pero kayo, Raymart at Claudine, asal hayop $&*#@. Kung nagkataon lang na kamag-anak ko ang binugbog niyo, umalis na kayo sa Pilipinas. +63912867….

KUMAPIT SA PANATAG

Sir Benny, gusto ko lang po na maisiwalat ang saloobin ko ukol sa Panatag Shoal. Sana ‘wag tayong bumitaw sa ipinaglalaban nating atin. Nakahihiya sa ating mga ninuno na nakipaglaban para sa atin.  +63910618….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply