Smuggling ng ‘dead baby pills’ ikinaalarma

LUBHANG naalarma si Sen. Manny Villar sa posibleng pagpupuslit ng “dead baby pills” mula China papasok sa Pilipinas, kaya’t nanawagan ang senador sa lahat ng ahensya ng gobyerno laban dito.

Sa hearing ng quality affordable medicine oversight committee na pinamumunuan ni Villar, ipinakita ng senador sa mga resource person ang video footage ng balita mula sa South Korea hinggil sa mga nakumpiskang dead baby pills mula sa China na gawa sa pinulbos na fetus.

“Kaya ako’y nananawagan sa Customs, sa DOH at DTI na bantayan natin ito at hindi natin hayaan na makapasok sa ating bansa,”giit ni Villar.

Ayon sa balita, ang mga ospital at abortion clinic sa China ang siyang nagsu-supply umano ng patay na fetus sa mga drug company upang gawing pills.

Matapos na durugin at pulbusin ang pinatuyong fetus, hinahaluan lamang ito ng herbs upang palabasin na ito ang tunay na sangkap ng pill.

Pinapalabas rin na ito ay isang “miracle pill” na nakakagamot ng lahat ng karamdaman ng tao.

Hiningi din ni Villar ang reaksyon ni Dr. Suzette Lazo, director ng Food and Drug Administration (FDA), kung totoo ang balita hinggil sa dead baby pills at kung talagang nakagagamot ito ng lahat ng uri ng karamdaman ng isang tao.

“Some people unfortunately, probably believe in it. There’s no scientific evidence that it works,”pagdidiin ni Lazo.

Nilinaw naman ni Lazo na sa South Korea lamang tinangkang ipuslit ang nasabing pills na naglalaman ng fetus dahil wala pa silang nakukuhang impormasyon na nakalusot na rin ito sa ating bansa.

Inusisa din ni Villar ang FDA kung may mga kapeng pampapayat na naglalaman ng sangkap na mapanganib sa kalusugan ng tao.

Inamin naman ni Lazo na mayroon na silang kinuhang samples ng slimming coffee para sa analysis, kung saan sa inisyal nilang pagsusuri ay naglalaman ito ng “dangerous drugs.”

“We have some conclusions. These can be quite dangerous and we’ll be coming out with an advisory as soon as we are sure about the results,” wika ni Lazo

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply