Superhero at underdog

TUMABO sa takilya sa buong mundo ang pelikulang “THE AVENGERS.” Pinangungunahang ng bigating artista tulad nila Robert Downy Jr. at Chris Evans, tungkol ito sa pinagsama-samang superhero ng Marvel comics na sina IRONMAN, HULK, THOR, CAPTAIN AMERICA at iba pa. Naaalala ko noong bata pa ako ay napanonood ko sa TV ang cartoon version ng Thor at Captain America, at sinundan ko rin ang mga istorya nito sa Marvel comics.

Mahilig ang tao sa mga superhero kaya naman kapag palabas naman ang mga superhero ng karibal na DC comics tulad nila Superman at Batman, grabe rin ang dami ng nanonood.

Naimbento ng mga may kathang-isip ng comics ang mga character na superhero noong mga 1930s. Nauna ang Superman ng DC comics at sinundan ng marami pa. Tinangkilik sa America ng mga tagabasa ng comics ang mga superhero, lalo’t talamak noon ang mga sindikato at taong sangkot sa krimen. Mga “crime fighter” ang mga superhero kaya naging idolo ng mga Amerikano ang mga kathang superheroes hindi lamang dahil naaaliw sila sa pagbabasa ng comics kundi nagbibigay pag-asa ang mga ito na masugpo ang mga sindikato na “naghahari” sa mga malalalaking siyudad ng America.

Kaya nga ang “Gotham City” ni Batman ay base sa New York City.

Noong sumiklab ang pangalawang digmaang pandaigdig (World War 2) ay umiba ang tema ng mga karakter ng superheroes. Naging mortal na kalaban ito ni Hitler at bansang Aleman at Japan. Sa komiks ay kinalaban at nilampaso ng mga superhero si Hitler at kanyang mga kaanib. Naging epektibong “propaganda” campaign ang mga komiks noon upang maiangat ang moral ng mga Amerikano at mga sundalo. Dito umusbong si CAPTAIN AMERICA na isang karakter na super soldier na kalaban ni Hitler at Nazi.

Sa paglipas ng panahon ang “mutli-million dollar” comics industry ay naapektuhan ng teknolohiya. Nagkaroon ng mga high tech computer game at iba pang mga karibal na libangan. “Binuhay” ng Hollywood ang mga superhero at marami sa kanila ay nagkaroon ng TV shows at mga higanteng pelikula. Lumabas na rin ang iba pang superhero na “makabago” tulad nila Spiderman, X-Men, Fantastic Four, Daredevil, Green Lantern at iba pa.

Sa Pilipinas naman bagamat mahilig tayo sa dayuhang superhero ay meron din tayong superheroes tulad nina Captain Barbell, Lastikman, Darna, Panday at iba pa.

Tinangkilik din ang “local superheroes” ngunit mas nakuha ng mga banyagang bida ang imahinasyon ng mga Filipino.

Mahilig man ang Pinoy sa superheroes, kltura natin na kumampi sa dehado o “underdog”. Kaya naman bumenta noong mga nakaraang dekada ang mga komiks kung saan nalathala ang mga madramang nobela na iiyakan mo sa awa ang bida at katutuwaan bandang huli kapag nakabangon at nakapaghiganti ang ianping bida.

“Babangon ako at dudurigin kita” “Bukas luluhod din ang mga tala” “Kapag puno na ang Salop” at iba pa ay naging mga “sikat na salita” na nanggaling sa mga “underdog” characters na umahon sa pagiging api at nagtagumpay sa huli.

Sa totoong buhay ay walang superhero ika nga. May mga tunay na bayani pero walang superpowers at kadalasan ang mga nagiging bayani ay mga nag – alay ng kanilang buhay. Marahil ay mainam rin naman na hindi lang mga “superheroes” na walang katotohanan an gating maging idolo kung hindi ang mga REAL HEROES din na may tunay na pag-aalay o labang sinabak para sa atin. Ayo slang na tangkiliin natin ang entertainment value ng mga superheroes, pero mas maging insipirasyon natin ang mga tunay na bayani.

Kaugnay naman dito ay magsilbi rin inspirasyon natin ang mga buhay ng dehado o mga UNDERDOG na umangat sa pakikibaka sa buhay, at hindi lamang dahil naaawa lang tayo sa dehado o underdog. Kapuri-puri ang ugaling maawain ngunit dapat hindi lang matapos sa awa, kailangan sinusundan ito ng gawa.

Pwede tayo maging mga bayani sa totoong buhay kapag inalalayan natin at tinulungan ang mga dehado o underdog sa buhay. Hindi na ito kuwento sa komiks o pelikula.

Kuwento na ito ng tunay na buhay.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply