Taas-sahod napapanahon na – ALAM chairman

MULING iginiit ni Alab ng Mamamahayag Chairman Jerry Yap ang pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa.

Ani Yap, napapanahon na upang taasan ang sweldo dahil nagtaasan na  rin ang mga bilihin bukod pa sa tumaas din ang tuition fees sa eskwelahan.

Kahit aniya ang mga State Universities and Colleges (SUCs) ay nagtaas na rin ng singil, kaya kung hindi itataas ang sweldo ng mga manggagawa ay maraming estudyante ang mahihinto sa pag-aaral.

Maraming pamilya rin aniya ang magugutom dahil kung tutuusin ay sobra-sobra na ang paghihigpit ng sinturon ng masa para mapagkasya lamang ang kakarampot nilang kinikita.

Matatandaang tumanggi ang Malakanyang sa hirit ng mga manggagawa na P125 across-the-board wage hike.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nagpapakatotoo lamang si ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa talumpati nito sa paggunita ng Labor Day, dahil kailangan ding balansehin ang interes ng mga manggagawa at employer.

Ngunit sinabi naman ni Yap na mas nakikita ng Palasyo ang kagipitan ng employers kaysa pangangailangan ng mga manggagawa.

Aniya, kahit ang mga miyembro ng media ay nahihirapan na rin sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pagbabayad ng tuition fees ng kanilang mga anak.

Ito umano ang dahilan kaya nagbibigay ng scholarship ang National Press Club sa kanilang mga miyembro, at ng subsidy kapag kinakapos sa pambayad ng tution fees.

Hindi umano naniniwala ang NPC at ALAM na maaaring matanggal sa trabaho ang ilang manggagawa sakaling pagbigyan ang P125 legislated wage increase dahil sobra-sobra pa nga ang kinikita ng malalaking kompanya.

Ang iba pa aniya sa mga may-ari ng malalaking kompanya sa Pilipinas ay nakabilang pa sa listahan ng Fortune Magazine bilang pinakamayayaman sa buong mundo.

Kung may puso aniya sa kapwa ang nasabing employers, dapat lamang na taasan ang sweldo ng kanilang mga manggagawa at alisin na rin ang kontraktwalisasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply