Tagumpay ang demokrasya; kawawang taga-Maynila

SA PAGTATAPOS ng impeachment trial ay napatunayan nating buhay na buhay ang demokratikong proseso sa bansa.

Ito ang dahilan kung bakit mas masarap ang demokrasya kaysa iba pang porma ng gobyerno.

Kay gandang isipin na ang mayorya ang nasusunod sa bawat desisyong nagaganap sa estado maging ito man ay sa pagpili o pagpapatalsik man ng lider ng bansa.

Buhay na buhay ang mamamayan sa demokrasya, bagaman mahirap ang buhay sa ngayon sa bansa ay kita at ramdam naman natin na ang kagustuhan mo ang nasusunod.

Kasama ka sa pagpili at pag-ukit ng desisyon, hindi kagaya ng iba na sila ang hari at makapangyarihan at sila lamang ang nasusunod.

Hindi mapapantayan ang demokratikong sistema ng gobyerno kaya’t sa isang malaya at liberal na utak ng mga tao sa ngayon ay nababagay lamang ang ganitong porma dahil ang lahat ay kasali sa pagpapasya.

###

Galit na ang mga empleyado ng Manila City Hall kay Mayor Fred Lim, ang Dirty Harry ng bansa.

Naghain na kasi ng reklamo sa husgado ang may 700 mahigit na casual at contractual employees na may ilang buwan na ring nagugutom kasama ang kanilang pamilya.

Hindi malaman kung nasaan ang puso ni Mayor Fred Lim sa usaping ito dahil base sa reklamo ng mga empleyado ay ang alkalde ang dahilan ng pagkakaantala ng kanilang sweldo.

Dahilan daw ng alkalde ang COA gayung ang itinuturo naman ng naturang ahensya ay ang alkalde.

Magkagayunman dapat ay agad nang kumilos ang husgado dahil hindi naman pwedeng ipagpabukas ang kumakalam na sikmura ng mga Manileno, na animo’y busabos at namamalimos sa kanilang sweldo.

###

Sa mga nagnanais ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanniisko@yahoo.com o mag-text sa 09336363310.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply