Tama ang desisyon ni Isko Moreno

NAPAPANAHON na ang ginawang panunumpa ni Manila City Vice Mayor Isko Moreno sa partido ni dating Pangulong Joseph Estrada, na napabalitang tatakbo bilang punong lungsod ng kapital ng bansa.

Sa ginawa kasing pagsama ni VM Isko sa Partido ng Masang Pilipino (PMP) at sa United Nationalist Alliance (UNA) ay na-patunayan lamang nito na hindi siya sang-ayon sa ilang polisiya ng kanyang alkalde na si Alfredo Lim.

Halata na kasing palasak o hindi na napapanahon ang mga programa ni Lim at wala na rin itong gaanong gigil sa pagseserbisyo sa Maynila.

Maging ang tsismis na may sakit si Lim ay hindi na rin natitigil kaya’t maging ang mga Manileño ay uhaw na uhaw na rin sa tunay na paglilingkod.

Ang mga kalat sa lansangan ng Maynila ay nandiriyan pa rin at ang mga vendor na pasaway ay patuloy pa rin na nagkakalat sa lungsod at iyan ang dapat sagutin ni Lim kung bakit hanggang ngayon ay naglipana pa rin ito.

Ang mga mahihirap sa lungsod lalo na sa Tondo ay animo’y napabayaan at iyan ay isa sa mga salamin kung anong klaseng lider ang kasalukuyang alkalde.

Maging ang ilang magagandang ginawa ng kanyang pinalitang si Lito Atienza ay kanyang binalewala at malinaw na halimbawa nito ay ang ilang lugar sa Maynila na pinagsikapan nitong mapaganda at kaaya-aya sa mga lokal at imported na turista.

Kung baga, nagsuri lamang si VM Isko Moreno sa kanyang ginawa dahil bilang isa sa mga lider ng Maynila ay obligasyon niyang paunlarin ang lungsod lalo’t higit ang katayuan pang-ekonomiya ng mga naninirahan rito.

Iba si Isko sa lahat ng mga politiko sa lungsod dahil ramdam niya ang suliranin ng mga mahihirap dahil galing siya rito dagdag pa ang patuloy niyang pag-aaral para makamtan ang pagiging tunay na lingkod-bayan.

Napapanahong desisyon ang ginawa ni Vice Mayor Isko Moreno at iyan ang dapat nating abangan dahil pusong may malasakit sa maralita ang makikita natin sa tambalang Erap-Isko na matagal nang inaasam-asam ng mga taga-Maynila.

Patuloy na pagsusuri ang kailangan ng bayan sa ngayon at iyan ang nakikita natin sa katangian ni VM Isko na patuloy na nag-aaral at nagsusuri para sa tunay na pangangailangan ng mga Manileño.

oOo

Sa mga naghahangad ng pagkalinga ng pitak na ito, maaari kayong mag-email sa barangayanni_isko @yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply