Tanim-puno, bago gradweyt – Trillanes

NAIS ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV na gawing mandato ang pagtatanim ng puno sa mga magsisipagtapos mula elementarya hanggang kolehiyo sa paglalayong makapagtanim ng humigit kumulang sa 175 milyong puno sa buong bansa bawat taon.

Sa ilalim ng Senate Bill 3166 o ang panukalang Graduation Legacy for the Environment Act of 2012 na kanyang inihain kamakailan, hangad ni Trillanes na obligahin ang bawat estudyanteng magtatapos sa elementarya, mataas na paaralan at kolehiyo na magtanim muna ng 10 puno bago sila grumadweyt.

Kumpiyansa ang senador na ang kanyang panukala ay magreresulta sa napakaraming punong maitatanim sa mas maikling panahon bunsod na rin ng mataas na bilang ng nagsisitapos kada taon na umaabot sa 12 milyon sa elementarya, 5 milyon sa sekondarya at 500,000 sa kolehiyo.

Gamit ni Trillanes sa kanyang panukala ang ideyang “inter-generational equity” o ang pagbibigay ng pantay na karapatan at obligasyon sa mga susunod na henerasyon na pangalagaan ang kalikasan.

Ang konseptong ito, ayon sa senador, ay epektibo tungo wastong pangangalaga sa kalikasan at likas-kayang pag-unlad.

Kapag ganap na naisabatas, ito ay ipapatupad ng Department of Education at Commission on Higher Education sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ang panukalang batas ay naayon sa Executive Order No. 26 (EO 26) na nilagdaan noong isang taon ni Pangulong Benigno Aquino III. Ang EO 26 ay naglalayong pakilusin ang mga estudyante at kawani ng gobyerno na magtanim ng 1.5 bilyong puno sa loob ng anim na taon, simula 2011 hanggang 2016.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply