Taxi – ligal na holdaper

SA anomang bansa sa buong mundo, pagkatapos ng airport, ang mga taxi ang ikalawang bagay na naghuhugis ng impression ng mga turista sa ating bansa kung anong klaseng tao tayo rito.

Naaalala ko tuloy noong 70’s at 80’s ng ang mga taxi driver (in fact lahat ng public utility driver) ay naka-uniporme ng puting polo, nakasapatos at laging maayos ang demeanor o pag-uugali.

Wala kang makikitang nakasando, shorts, tsinelas at ano pang damit pambahay. At ang taxi meter nila ay laging ibinababa dahil bawal ang kontrata sa mga sumasakay.

Nakatutuwa pa ang mga taxi driver noon, dahil kailangan mo lang sabihin ang lugar kung saan ka pupunta at puwede ka nang matulog dahil siguradong alam ng taxi driver kung saan sa Maynila pupunta.

Ikumpara mo sila ngayon.

Opo, maganda at maayos ang mga taxi (limousine service) sa mga airport at naka-uniporme ang mga driver, pero huwag ka, taga ang singil ng mga ito.

Ang ordinaryong P250 mula sa UP Village hanggang sa NAIA sa ordinaryong taxi ay nagiging P800 pabalik sakay ng airport taxi. Wala pa yung puwersahang tip na hihingin sa iyo ng driver dahil laging walang barya sa isang libong buo.

At yung mga ordinaryong taxi, nakasando, tsinelas, shorts at parang hindi naliligo. Pasensiya na po kung ganito ako makapintas, pero sila po yung unang nakikita ng mga dayuhan, at pag madungis sila, madungis na rin ang tingin sa atin.

Diyan nasisira ang “More Fun in the Philippines” dahil nagiging “more smelly in the Philippines.”

Masakit pa nito, karamihan sa mga taxi driver ay kaskasero at walang pakundangan sa batas trapiko kaya ang tingin sa atin ng mga dayuhan ay mga iresponsable.

Wala pang galang sa sarili at sa ibang tao ang karamihan sa kanila.

Nagdadabog kung mukhang Pilipino ang sakay at sipsip ang dating kung puti ang sakay. Dahil pag Pilipino alam nila na hirap sila sa tip at pag puti ay puwede holdapin sa tip.

At dito tayo pikon na pikon. Dahil dadalawa pa lang ang nasakyang kong taxi na nagbigay ng buong sukli, pati yung dalawang piso na barya.

Yung iba, laging walang barya, kalalabas lang ng garahe o hindi pa kumikita.

Kapag may sobra, siguradong kakamot ng ulo at aarte na wala silang magawa sa sukli mo.

Mabuti sana kung mga beinte o treinta pesos lang ang usapan, pero tulad ng sabi ko, yung P800 galing airport pag isang libong piso ang ibinigay mo, ayaw nang ibigay yung P200.

Feeling mo tuloy hinoholdap ka na at sa totoo lang eh iyon na nga yun. At pag pinilit mong hingin ang sukli mo, ikaw pa ang hahanap ng barya para ibigay sa kanila. Yan po ay tinatawag na ligal na holdap. Sa Metro Manila, “it’s more fun to be held up by a taxi driver in the Philippines.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply