Transporters namumulitika

NAGBABA ng presyo bawat litro ng produktong petrolyo ang iba’t ibang kompanya ng langis, maliit man o malaki, alinsunod sa pagbaba rin ng halaga ng langis sa pandaigdigang merkado. Kaya naman nagagamit na naman ito ng pamahalaan upang ipagyabang sa transport groups, indi-bidwal, local government units (LGUs) at mga pribadong kompanya ang nagawa ng Department of Energy (DoE) sa pangunguna ng kalihim nito na si Jose Rene Almendras.

Pero kontra rito ang marami sa mga nasa oposisyon at taumbayan dahil batid nila na walang kinalaman dito ang DoE o maging si Almendras na kaya nailuklok bilang kalihim ay dahil miyembro ng KKK (Kaibigan, Ka-klase at Kabarilan) ni Pang. Benigno Aquino III. Ang pagbaba ng presyo ng langis ay base na rin sa pagbaba ng presyo sa pinag-aangkatan nito.

Sa pagbaba ng presyo ng krudo at gasolina, natural lang na hilingin ng publiko, lalo na ng mga pasahero, ang pagbaba ng halaga ng pasahe hindi lang sa mga bus at jeep kundi maging sa utility vans na bumibiyahe sa Kamaynilaan at kalapit na lalawigan. Maging ang mga bus at utility vehicle na bumibiyahe sa labas ng Metro Manila ay hinihiling din na magbaba ng pasahe upang magkaroon din ng epekto sa araw-araw na pamumuhay.

Ang pagbaba sa presyo ng langis ay dapat mangahulugan ng konting kaluwagan sa pamumuhay ng mga mamamayan dahil kasabay dapat nito ang pagbaba rin ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng pagkain, na inaangkat pa sa mga lalawigan at komukonsumo ng langis na gamit sa mga pambiyaheng sasakyan.

Para sa grupong Pasang Masda na pinangungunahan ni Obet Martin, kailangang magkaroon ng bawas sa kasalukuyang umiiral na pasahe kaya naman magsasampa sila ng petition for fare rollback sa lalong madaling panahon. Ang panukalang ito ni Martin ay sinang-ayunan ng National Commuter Council for Protection at Public Commuter and Private Motorists (NCCP-PCMA). Iginiit ng nasabing grupo na kung nagtaas ng pasahe dahil sa oil price increase, dapat ding magbaba sa halaga ng pasahe dahil naman sa oil price rollback.

Hindi naman sang-ayon ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)  na ibalik sa P8.00 ang pasahe sa unang apat na kilometro.

Para sa PISTON, hindi pa sapat ang halagang ibinaba ng presyo ng langis at kailangan pa itong ibaba muli dahil malaki pa rin ang kinikita ng mga kompanya ng langis na patuloy ang ginagawang paggisa sa sariling mantika sa mga maliliit na manggagawa ng transport sector.

Para naman kay De Luna ng ACTO,  hindi nabigyang pansin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang kanilang petition for fare hike na P2 sa loob ng mahigit isang taon. Marami sa miyembro ng ACTO ay UV express at GT express vans na bumibiyahe hindi per kilometro ang singilan kung hindi per biyahe o per pasahero. Bukod sa mataas na presyo, maraming reklamo ang mga pasahero na mataas na ang pasahe ay maraming sasakyang gamit na hindi naman komportable dahil mahina ang aircon,  halos siksikan na dahil sa hindi tamang kapasidad at sirain dahil bulok na at isinisingit sa pila dahil pag-aari ng pulis o ng kung sinoman.

Makikita natin na kanya-kanyang pagalingan ang transport groups na dapat ay nagkakaisa upang maisulong ang adhikain na makatulong sa mga mamamayan.  Bakit naman kasi namumulitika sila? Hindi ba puwedeng serbisyo na lang muna?

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply