Tsimay na tumangay sa cash, alahas ng amo tiklo

NADAKIP na sa isinagawang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng Parañaque at San Pedro Police ang kasambahay na tumangay sa mahigit P.4 milyon at mga alahas ng kanyang amo sa Parañaque City, isang araw matapos siyang kunin bilang kasama sa bahay.

Kinilala ni San Pedro Police chief Supt. Kirby Kraft ang suspek na si Ester Concepcion, 36, nagpakilala bilang Stella Marie Velez, nang kunin bilang kasambahay ng kanyang amo na si Delia Sato, 52, ng 20 Kuala Lumpur St., Brgy BF Homes, Parañaque noong Mayo 15.

Isang araw matapos manirahan bilang kasambahay si Concepcion, kinulimbat at tinangay niya ang P450,000 cash, iba’t ibang uri ng alahas at laptop na pag-aari ng anak ni Sato.

Nakatanggap naman ng impormasyon si SPO4 Richard Bagayo ng theft and robbery section ng Parañaque police na may inuupahang bahay sa Camella Subdivision, Bgy. Cuyab sa San Pedro Laguna ang suspek kaya sa tulong ng mga tauhan ni Supt. Kraft na dalawang araw na minanmanan ang bahay ng suspek sa Xenia St., sa naturang subdivision, nadakip ang suspek.

Nakuha ng pulisya kay Concepcion ang P150,000 cash pati na ang mga resibo ng biniling bagong 46-inch LED television, refrigerator, sala set at groceries.

Nabigo naman ang pulisya na mabawi sa suspek ang iba’t ibang uri ng alahas na kanyang tinangay kaya inaalam pa kung saan itinago o posibleng isinanla ang mga alahas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply