Umpisahan sa paglilinis

KUNG sa simpleng paglilinis nga ng bahay ay inuuna natin ang pagtanggal o pagbasura sa mga gamit na sa tingin natin ay pamparumi na lamang sa ating tahanan, ganun din dapat ang gawin sa isang bayan na nagnanais ng malinis na pamahalaan.

Ito mismo ang nais na isulong ng 18 senador na pabor sa pagbabasura sa lumang talaan ng mga botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa layong maging malinis at kapani-paniwala ang darating na halalan sa ARMM sa 2013.

Sa joint resolution No. 17 na inihain ni Sen. Franklin Drilon, pinangunahan niyang hiniling sa Commission on Elections (Comelec) na agad magsagawa ng general registration sa mga bayan at lungsod na nasasakupan ng ARMM bago pa man dumating ang eleksyon.

-000-

Kung tutuusin, nais itong isulong ng mga senador hindi lamang sa ARMM kundi maging sa Visayas at mga lugar sa labas ng ARMM.

Kaya naman bilib tayo sa mga senador na lumagda sa resolusyon tulad nina Jinggoy Ejercito Estrada, Vicente Sotto III, Edgardo Angara, Ferdinand Marcos Jr., Antonio Trillanes IV, Pia Cayetano, Francis Escudero, Sergio Osmeña III, Ralph Recto, Manuel Lapid, Gregorio Honasan II, Panfilo Lacson, Alan Peter Cayetano, Teofisto Guingona III, Francis Pangilinan at Loren Legarda.

Ibig lamang sabihin nito na hindi lahat ng opisyal sa gobyerno ay nawalan na ng pag-asa na magkaroon ng pagbabago.

-000-

Kasi kung ang dahilan lang naman ng pag-ayaw ng Comelec en banc sa nais ni Pangulong Benigno Aquino III na magkaroon ng general registration sa ARMM ay dahil gahol na sa panahon, mukhang napakababaw yata na dahilan, lalo na at handa naman ang makinarya at pondo para gawin ang nasabing trabaho.

Tinataya ko rin naman na siguradong maging ang mga residente sa ARMM ay willing and able na makiisa sa nais ni PNoy na suportado rin mismo ni Gov. Mujiv Hataman.

Ito ay dahil na rin sa kagustuhan ni Hataman na maibalik ang tiwala ng mamamayan sa eleksyon lalo na at ang Maguindanao in particular ang naging sentro noon ng kontrobersiya dahil sa alegasyon ng dayaan taong 2007 at 2004 elections.

-000-

At ngayong habang nasa pwesto pa si Hataman at magawa niyang linisin ang halalan sa ARMM, dito na malamang maniniwala ang lahat na kahit sinong opisyal pa ang iluklok sa pamahalaan hanggat hangad nito ang pagbabago ay talagang magagawa.

‘Yan ay kung walang kinatatakutan ang lider at walang multong itinatago.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply