Unahan sa una

HABANG tumatagal, tumatatag ang coalition ng United Nationalist Alliance na binubuo ng dalawang partido. Ang Puwersa ng Masang Pilipino ni President Joseph Estrada at Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan ni Vice President Jejomar Binay.

Dahil sa kasikatan ng popularidad nina Erap at Binay, marami ang nagpapahiwatig na sumanib sa alyansang ito. UNAHAN NA SILA SA UNA. Mainam na maka UNA na tayo.

Una-una lang yan sa pulitika. Kahit ang mga kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nais na ring makauna sa UNA.

Ngayon pa nga lang ay may iringan na ang kampo ni Sen. Koko Pimentel at dating Sen. Migz Zubiri. Alam natin ang  kasaysayan ng dalawa sa pulitika at kahit na mistulang naayos na ang lahat nang naupo na si Sen. Pimentel at nag-resign si Sen. Zubiri, hindi pa rin nakalilimutan ng dalawang panig ang pinagdaanang protesta.

Nalathala na susumpa na si Migz sa Puwersa ng Masang Pilipino. May pagtutol naman si Koko dahil hindi naman siya PMP, kundi PDP-LABAN. Malamang na pareho silang masama sa senatorial slate ng UNA at malamang na manalo silang pareho sa Senado.

Sumanib na rin si Manila Vice Mayor Isko Moreno sa UNA. Kung matutupad ang “dream ticket” ERAP-ISKO ang magiging puwersa laban sa incumbent na si  Mayor Alfredo Lim.

Sa mga matandain sa pulitika, alam natin na “once upon a time” ay magkasama sina ERAP at LIM. Ngunit nagkahiwalay rin sila ng landas. Si Isko naman ay vice mayor ni Lim. Pero walang imposible sa pulitika ika nga.

Nangangahulugan ba na sa pagtatag ng UNA ay magsisilbing oposisyon ito sa partidong LIBERAL ni Presidente Aquino. Walang ganitong pahayag ang mga tagapagsalita ng UNA.

Tikom din ang bibig sa isyung ito ang Malacañang. “Wait and see” tayo rito. May mga “paramdam” na may “silent war” na nagaganap pero “nakabibingi ang katahimikang” ito kaya’t di mo pa rin masiguro kung magbabanggaan nga ang UNA at LIBERAL PARTY.

Ang sigurado lang ay may kani-kanilang kandidato na silang mamanukin sa 2013 polls.

Paghahanda sa presidential elections sa 2016.

At sa 2016, sigurado na umano ang pagtakbo ni Vice President Binay sa pagkapangulo ng bansa.

Mabalik tayo sa UNA. Sigurado na hindi una’t huli ang UNA na mabubuo na koalisyon ng political parties. Sigurado na may mga pag-uusap din ang ibang partido tulad ng NPC, Nationalista, LDP, Lakas at iba pa sa UNA at Liberal. Habang palapit ang halalan, lilinaw din yang “political movements.”

Iba rin ang “laro” sa national at local elections. Sigurado na sa ibang lungsod at lalawigan ay may mga “sinusuwerte” na magiging “common candidate” sa local elections ng iba’t ibang partido. Lalo na kung kinikilalang “kingpin” sa lugar. Mas mabuti na maging “kaalyado” ito kaysa “kalaban.”

Marami pang mangyayari habang papalapit ang eleksyon. Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata sa mala- teleseryeng kasaysayang ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply