UPDATE: Lolo patay sa sunog sa Pasay City

HINDI na nakalabas pa sa loob ng kanyang nasusunog na bahay ang isang 64-anyos na lolo makaraang balikan pa nito ang kanyang mahahalagang gamit sa sunog na naganap sa isang residential area sa Pasay City pasado alas-onse ng umaga kanina.

Nakalabas na sana si Dante Cuchapin sa loob ng kanyang bahay nang magpasiyang balikan ang naiwang mahahalagang gamit subalit hindi na nakalabas bunsod ng mabilis na paglaki ng apoy na lumamon din sa anim pang kabahayan sa Don Carlos Revilla St., Barangay 189 sa naturang lungsod.

Natagpuan ang bahagyang sunog nang bangkay ni Cuchapin na hinihinalang hindi nakayanan ang makapal na usok sa loob ng banyo ng nasunog niyang bahay.

Sa ulat ni FO1 Mark Ryan Lanusca kay Pasay Fire Marshall Chief Insp.Douglas Guiab, nagsimula ang sunog dakong alas-11:15 ng tanghali sa bahay ng isang Nicomedes Barcelino sa kanto ng Pioneer at Don Carlos Revilla St. hanggang kumalat at tumupok sa anim na kabahayan.

Itinaas naman sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-12:43 ng tanghali.

Tinatayang aabot sa mahigit P700,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa naturang sunog na hindi pa mabatid kung ano ang pinagmulan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply