VP bastos sa kalye

MATAGAL ko na ring sinasabi na kahit na wala na ang wangwang sa kalye, ‘di naman nawala yung mga bastos at abusado. Isang malaking halimbawa nito ay yung back-up vehicles na inaararo ang mga sasakyan sa kalye para makaraan yung inaalalayan nilang VIP.

Sinabi ko na rin na isang araw, ang mga bastos na VIP na ito ay makasisira ng gamit, kundi man makasakit, ng kapwa nila. At noong Sabado ng hapon ay nangyari na nga ito sa isang kaibigan.

Ang matindi rito, ang sigang VIP na nakasalubong ng kaibigan ko ay ang convoy ni Vice President Jejomar Binay. Naganap ang insidente sa Katipunan Avenue sa may White Plains, ‘yung makipot na kalye sa likod ng Camp Crame.

Ayon sa kaibigan ko, traffic noon at medyo mabagal ang daloy ng traffic, biglang sumalubong ang convoy ni VP Binay, nag-counterflow ika nga. Pero dahil sa sikip ng kalye, hindi na kinaya pa ng kotse ng kaibigan ko na umiwas dahil sagad na siya sa gutter. Galit na dinuro siya ng motorcycle escort ni Binay at pagkatapos ay tinagis pa ang side mirror niya unang back-up vehicle na itim na Fortuner.

Nang ibaba niya ang bintana para magreklamo, isang bungkos ng bodyguard ang humarap sa kanya na puro armado. Kasabay ng pagharap na ito ay ang pasigaw na hamon na “Tumabi ka! Haharang-harang ka pa r’yan eh!” Pagkatapos nito ay dumaan ang Expedition na itim na may plakang “2” at kasunod nito ang isa pang itim na Fortuner na sinindak pa rin siya. Basag ang side view mirror ng aking kaibigan, at nginig sa takot sa mga armadong bodyguard ni Binay, pero walang pakundangan na iniwan lang siya ng convoy. Tuloy sa pagsuyod sa traffic at paninindak sa mga motorista.

Noon pa man ay sinusuway na ni Binay ang anti-wang-wang order ni Noynoy. Mistulang ewan nga ang Pangulo pagdating Kay Binay. Balewala ang mga utos at direktiba.

Si Binay rin ang pasimuno ng back-up vehicle style na pagsagasa sa traffic. Siya ang ginagaya ngayon ng mga opisyal sa gobyerno, congressman at iba pang halal na politiko. Isipin ninyo, hindi pa yan Pangulo, nakalusot lang na VP yan. Isipin ninyo kung siya pa ang papalit kay Noynoy.

Sabi nga ng kaibigan ko, your honors, kung may pupuntahan kayo, sana gayahin ninyo kaming mga ordinaryong tao, gumigising po kami nang maaga.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply