Wanted criminal patay sa engkuwentro sa Bulacan

MARILAO, Bulacan – Nauwi sa madugong wakas ang pamamayagpag ng isang kilabot na kriminal na pang 20 sa talaan ng “most wanted” dahil sa patong-patong na kaso ng pangho-holdap at pagnanakaw matapos na mabaril ng mga otoridad sa bayang ito kahapon.

Sa ulat na natanggap ni P.S./Supt. Fernando Mendez Jr., PNP Provincial Director, mula kay P/Supt. Gerry Andaya, hepe ng Marilao PNP station, nakilala ang napatay na suspek na si Argie Boter y Barco, nasa hustong gulang at taga Barangay Loma de Gato sa bayang ito.

Ayon kay P/Supt. Andaya, alas 12:00 ng tanghali ng maaktuhan ng kanyang mga nagpapatrolyang tauhan ang suspek habang paalis sa Meralco compound tangay ang mga ninakaw nitong kable ng kuryente.

Ngunit ng mapansin umano ng suspek ang mga papalapit na pulis ay agad nitong pinaputukan gamit ang isang kalibre 38 baril.

Nagawa pa umanong magtago sa ilalim ng isang nakaparadang truck ng suspek ngunit tinamaan din ito ng bala at napatay ng mga rumespondeng pulis.

Napag alaman pa sa mga otoridad na ilang beses nang nasangkot sa snatching at holdapan ang napatay na suspek at madami itong standing warrant of arrest para sa mga katulad na kaso at kabilang ito sa most wanted criminal ng bayang ito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply