117 – prosesong inutil

MINSAN nga naman ang kuwento basta na lang nalalaglag sa paanan ng hindi mo inaasahan. Dahil buong araw ko ng kinakatkat ang utak ko kung ano ang isusulat ko sa Free Spits. Galing lang kasi ang Free Spits sa America, nanood ng laban ni Pacquiao.

Biglang bigla, nadunggol ako ng isang Arco Bus na may plakang PWN 897 sa may Quezon Circle habang humaharurot ito pakanan ng East Avenue mula sa pinaka-kaliwang linya.

Sinimulan kong habulin, pero naisip ko, ano ang gagawin ko pag inabutan ko, haharangin ko? Nabundol na nga ako hindi pa ako hinintuan yun pang harangin ko.

Eh nagkaroon ako ng halos kaparehong insidente sa I-101 Freeway, kung saan isang Chevrolet Camaro ang nagwawalang muntik ako tagisin malapit sa may San Jose, California.

Doon, agad akong tumawag sa 911. Isang magalang na lalaki ang sumagot sa akin kumpleto ang pangalan, ranggo at nag-alok ng serbisyo. Ibinigay ko ang lahat ng impormasyon na meron ako, pati na ang aking pangalan at sasakyan na dala ko at sabi sa akin ay sila na ang bahala.

May mga kinse minutos matapos akong tumawag ng 911, bumabagal na ang daloy ng trapiko sa 101. Maya-maya ay pinapara ako ng isang Highway Trooper at pinatabi sa daan.

Tinanong ako kung ako ang tumawag sa 911 tungkol sa speeding na kotse at sumagot ako ng “Yes Officer” (Kano ang kausap eh.) Noon ko napansin na yung Camaro na muntik tumagis sa akin ay nakaparada sa harap ng police car at nakaposas sa gilid yung driver.

Hiningan ako ng konting impormasyon, pinapirma sa isang dokumento at pagkatapos ay umalis na ako.

Ikumpara natin sa 117 ng DILG. Sinagot ako ng babae, hindi nagpakilala at ng itanong ko kung sino ay sinagot ako ng 0041. Sinumbong ko ang nangyari, sagot sakin traffic daw ang may problema nun at ililipat daw niya ako.

Pagsagot sa traffic, sabi nung lalaki sa telepono pumunta na lang ako sa Camp Karingal at dun na lang ayusin yun. Anong ayusin pinagsasabi nung isang yun eh hinahabol ko yung nakabangga sa akin.

Ng itanong ko kung sino kausap ko, Tango Echo Delta daw. Sabi ko ano yun? Sagot niya ay traffic division. Sabi ko ano pangalan ng kausap ko, Jun daw. Jun ano ika ko, Jun Guevara daw.

Ganyan na ba talaga kababa ang antas ng public service natin at ni hindi makasagot ng tama ang mga public servants natin? Ayaw magpakilala dahil sobrang mali ang sistema?

Itinawag ko ito kay PNP Director General Nick Bartolome at si Sir Bart ay mabilis ang sagot sa akin kahit na may trabaho sa Camp O’Donnell. Gagawan daw niya agad ng aksiyon ang reklamo ko.

Pero uulitin ko ang tanong ko, ganito na ba ka-inutil ang serbisyo ng pamahalaan natin na simpleng sagot at aksiyon ay hindi magawa sa tamang level. Kailangan ba laging kay General Bartolome ang tawag at reklamo?

Aba, eh baka tumanda ng wala sa panahon yung tao!

Reaksiyon po sa ira_p@hotmail.com

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply