164 jaywalkers sa Edsa hinuli

SINAMPOLAN ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang may 164 na pasaway na pedestrian nang paghuhulihin ang mga ito sa unang araw ng mas pinaigting na kampanya kontra sa “jaywalking”.

Dakong alas-12 ng tanghali kanina ay umabot na sa 100 lumabag ang nahuli sa may EDSA-Ortigas intersection, 32 sa may Commonwealth Avenue-Litex Road, 16 sa EDSA-Balintawak at 16 sa EDSA-Taft Avenue kung saan inisyuhan ang mga ito ng “Pedestrian Violation Receipts (PVRs)” na may katumbas na P200 multa o seminar sa “disaster preparedness.”

Matatandaan na nitong kahapon ay inumpisahan ng MMDA ang pagsita sa mga lumalabag sa jaywalking sa mga kalsada sa Metro Manila upang iparamdam ang pagpapaigting sa kampanya habang kanina na inumpisahan ang panghuhuli at paniniket ng mga ikinalat na “MMDA Red boys.”

Batay sa record ng MMDA Metro Manila Accident Recording and Analysis System, nasa 54 porsiyento ng aksidente sa mga lansangan ay sanhi o sangkot ang mga “jaywalker.”

Nakapagtala noong taong 2010 ng 4,951 aksidente na sangkot ang mga jaywalker sa Metro Manila kung saan 167 ang nasawi at patuloy na umakyat nitong nakaraang 2011 na may 5,348 aksidente at 174 ang nasawi.

May average umano na 14 na aksidente na sangkot ang mga pedestrian kada araw noong nakaraang taon na labis nang nakaaalarma dahil sa kawalan ng disiplina ng publiko at kawalang-kakayahang ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang ordinansa laban dito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply