2 prosecutor nagsampa ng reklamo vs Mayor Abalos

NAGSUMITE na sa Department of Justice ang dalawang abogado ng prosekusyon ng kani-kanilang mga sinumpaang salaysay kaugnay sa pagsasampa nila ng pormal na reklamo laban kay Mandaluyong Mayor Benhur Abalos.

Magkasama sina Pasay City Prosecutor Orlando Mariano at Prosecutor Mark Roland Estepa na nagsumite ng kanilang mga affidavit sa DOJ.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y pagbabanta at pagmumura sa kanila ni Mayor Abalos noong nakaraang linggo sa ginanap na pagdinig ng kasong electoral sabotage na kinakaharap ng kaniyang amang si dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos.

Sinabi ni Mariano, tanging pag-execute muna ng affidavit na pinagawa sa kanya at kay Fiscal Estepa matapos ang pagdinig noong nakaraang Hunyo 7.

Dagdag pa nito, sa tagal umano niyang naging fiscal ay ngayon lang siya nakaranas ng pagbabanta sa kanyang buhay sa loob ng korte.

Subalit, aniya, naintindihan naman niya ang ginawa ng alkalde dahil ama ang nasasakdal dito.

Nakasalalay umano sa desisyon ni DOJ Secretary Leila De Lima kung tuluyang sasampahan ng reklamo ng dalawang prosecutor si Mayor Abalos kaugnay sa naganap na pananakot at pagmumura.

Nauna nang pinabulaanan ni Mayor Abalos na minura at pinagbantaan niya sa kasagsagan ng pagdinig ang  dalawang prosecutor .

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply