200 kawani ng MMDA nagprotesta

MAHIGIT 200 kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nagsagawa ng kilos-protesta upang ipabatid sa pamunuan ng naturang ahensya ang kanilang hinaing sa umano’y hindi pagkakaloob sa kanila ng kaukulang benepisyo na nakasaad sa Collective Negotiation Agreement (CNA).

Mula sa harapan ng punong tanggapan ng MMDA sa Orense St, Makati City, nagmartsa ang mga kawani sa oras ng pananghalian patungo sa likurang bahagi ng gusali sa Edsa matapos mabigong makausap ang mga pinuno ng naturang ahensya.

Hindi naman naparalisa ang operasyon ng ahensya dahil isinagawa ang kilos-protesta at maikling programa ng mga miyembro ng unyon ng Kapisanan para sa Kagalingan ng mga Kawani sa Kalakhang Maynila (KKK-MMDA) sa oras ng pananghalian at muli ring nagbalik sa tanggapan bago mag-ala-1:00 ng hapon.

Inirereklamo ng mga nagprotesta na ang umano’y hindi pagtugon ng kanilang finance officer sa hiling nilang ipamahagi na ang napagkasunduan sa CNA na tinatayang aabot sa P40,000 kada empleyado.

Hindi naman kinagat ng mga kawani ang pahayag umano ng finance officer na walang pondo ang ahensya dahil may P200 milyon time deposit ang MMDA na kayang tustusan ang mahigit P100 milyon na ipamamahagi batay sa napagkasunduan sa CNA.

Sa panig naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino, sinabi niya na hindi sapat ang naturang pondo dahil maraming gastusin na dapat tustusan ang kanilang ahensya na nakasaad sa kanilang mandato. Hindi aniya napapaliwanagan ng mabuti ang mga kawani kaya’t inaakala ng mga ito na ang nalalabing pondo ay dapat na paghati-hatian ng mga kawani.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply