21.5M estudyante balik-eskwela na ngayong araw

BALIK-ESKWELA na ngayong araw ang tinatayang nasa 21.5 milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ito ay mas mataas ng isang milyon kumpara sa halos 20.5 milyong estudyante noong 2011.

Umaabot sa 1.7 milyon ang nasa kindergarten, 14 milyon sa elementarya at 5.76 milyon sa high school ang papasok sa 45,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, handa ang DepEd ngayong pasukan. Sa katunayan aniya, walang kakulangan sa mga text book at mga upuan para sa mga mag-aaral mula sa kinder hanggang fourth year high school.

Gayunman, inamin ni DepEd chief na kulang pa rin sa mga guro at classrooms na aniya ay kanila nang ginagawan ng paraan.

Mas pinaigting naman ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa bullying ngayong pasukan.

Daragdagan ang itatalagang mga pulis sa mga eskwelahan na magpapatrulya at tututok din sa mga estudyante na bagong salta sa Maynila na kadalasang target ng mga bully.

Naglagay din ng help desk sa mga eskwelahan kung saan maaaring humingi ng tulong ang mga estudyante at magulang.

Magpapadala rin ang Armed Forces of Philippines (AFP) ng mga tauhan mula sa Navy at Air Force na tutulong sa pagbibigay-seguridad sa 25 elementary at secondary schools sa Kalakhang Maynila.

Magdaragdag din ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng traffic enforcer sa palibot ng mga eskwelahan.

Mahigpit na ring ipatutupad bukas (Hunyo 5) ng MMDA ang Anti-jaywalking campaign sa mga lugar na malapit sa eskwelahan.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply