25 BI officers ipinadala sa boundary ng Pinas sa Malaysia, Indonesia

DALAWAMPU’T limang opisyal ng Bureau of Immigration ang itinalaga ng pamahalaan upang mabantayan ang territorial boundary ng Pilipinas na malapit sa mga bansang Malaysia at Indonesia.

Ikakalat ang mga immigration officer III sa border crossing stations ng Pilipinas sa Bongao at Turtle Island sa Tawi-Tawi, Balabac at Taganak sa Palawan at sa Batunganding at Tibanban sa Davao del Sur.

Ang isla ng Taganak ang pinakamalayong teritoryong sakop ng Pilipinas at malapit na ito sa Sandakan, Malaysia.

Batay sa direktibang inilabas ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff at ngayong BI Commissioner Ricardo David Jr., itinalaga ang mga opisyal ng kawanihan sa mga nasabing isla upang mabantayan ang teritoryo ng Pilipinas laban sa mga walang papeles na mga dayuhan na magtatangkang pumasok sa bansa.

Ayon pa kay David, paiiralin ng mga immigration officer ang batas para sa pandarayuhan sa mga naturang isla upang matiyak na ligal ang pagpasok at paglabas sa Pilipinas ng mga dayuhan.

Sinabi naman ni Danilo Almeda, hepe ng BI-Immigration Regulation Division at tumatayong over-all supervisor ng mga immigration officer sa buong bansa na magiging salitan ang paggampan sa tungkulin ng mga IO upang hindi malumbay ang mga ito sa pagkawala sa piling ng mga pamilya.

Tiniyak din ni Almeda na ibibigay ang mga pangangailangan, tulad ng gamot, pagkain, inumin at linya ng komunikasyon, sa mga opisyal habang sila ay nakadestino sa malalayong isla.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply