25 BI officers sabit sa human smuggling

UMAABOT sa 25 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang nakatakdang kasuhan ng pamahalaan dahil sa pagkakasangkot umano ng mga ito sa pagpupuslit ng mga Pilipino patungo sa bansang Syria.

Sa isang kalatas, sinabi rin ni Vice president Jejomar Binay na maghahain ang pamahalaan ng 29 kaso ng illegal recruitment laban sa mga ahensiya at personalidad na nangalap ng mga Pilipino upang magtrabaho sa Syria sa kabila ng ipinatutupad na deployment ban sa nasabing bansa.

“Bukod dito, 14 show-cause order ang inihain laban sa mga tauhan ng BI dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa mga illegal recruiter upang maipuslit ang mga Pilipino patungong Syria,” dagdag pa ni Binay.

Ang show-cause order ay isang direktiba sa nasasakdal upang hingan ito ng paliwanag kung bakit hindi ito dapat kasuhan kaugnay sa pagkakasangkot sa isang kaso.

Ayon pa sa chairman emeritus ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), ang mga nasabing hakbang ay pagdidiin sa determinasyon ng pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang deployment ban sa Syria.

Muli rin umapela si Binay sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa na dumaan sa legal na proseso upang hindi mabiktima ng mga illegal recruitment at human trafficker.

Inihayag pa nito na sa kasalukuyan. Umabot sa 668 OFWs na galing Syria ang nakapanayam ng mga abugado ng IACAT kung saan 330 lamang sa mga ito ay legal ang pasaporte.

Batay sa ginawang panayam sa mga OFW, 196 lamang sa 330 may legal na pasaporte ang dumaan sa departure formalities ng mga tauhan ng immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sinabi pa ni Binay na inihahanda na ng Department of Justice ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa 14 na tauhan ng immigration. Nakatakdang simulan ang pagdinig sa kaso ngayong linggo.

Idinagdag pa ng Bise Presidente nab ago matapos ang buwan ng Hunyo, magpapalabas ang DOJ ng 11 panibagong show-cause order laban sa 11 opisyal ng immigration batay na rin sa mga panayam sa mga pinakahuling pinabalik na mga OFW mula sa Syria.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply