3 hepe Negros PNP sinibak dahil sa sugal na swertres

SINIBAK sa puwesto ni Interior and Local Government Secretary Jesse M. Robredo ang tatlong hepe ng pulisya sa Negros Oriental dahil sa pagkabigo nilang masawata ang iligal na sugal na SWERTRES sa nasabing probinsya.

Ayon kay Robredo, inirekomenda sa kanya ni Senior Superintendent Edward Carranza, Negros Oriental PNP Provincial Director, ang pagsibak sa puwesto sa tatlong hepe niya dahil sa pagkabigo ng mga itong matigil ang iligal na sugal sa kanilang mga nasasakupan.

Sa isinumiteng report ni Carranza kay Robredo, kinilala ang mga opisyal na sina Chief Inspector Dominicias Distrito, COP ng  Tanjay City; Inspector Romulos Delfin ng bayan ng Dauin; at Inspector Deogracias Lorico  sa bayan ng Valencia, pawang sa Negros Oriental.

Dahil dito, binalaan ni Robredo ang iba pang mga hepe ng pulisya na magagaya sa sinapit ng tatlo kapag patuloy nilang lalabagin ang one-strike policy ng PNP laban sa iligal na sugal sa kanilang mga nasasakupan.

Ipinaliwanag ni Carranza na ang sugal, aniyang, “swertres” ay iligal na uri ng sugal na gamit ang tatlong kumbinasyon ng mga numero na binobola ng tatlong beses sa isang araw at ibinabase ang resulta sa three digit lottery games na pinatatakbo naman ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ani Carranza, marami, aniyang, “swertres” games na pinapatakbo ng ibat-ibang gambling lords sa halos bawat kabayanan ng Negros Oriental na karamihan dito ay may basbas ng ilang lokal na pulitiko.

Kaiba, aniya, ang “swertres” sa sugal na jueteng, na kinakailangan pa ang papelitos at lugar na pagbobolahan ng  winning combinations nito , dahil cellphone lamang ang katapat nito para imonitor ng tumaya at nagpataya ang resulta ng PCSO draw mula sa radyo.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply