4 Pinoy bishops tatanggap ng ‘pallium’ sa Santo Papa

NAGTUNGO sa Roma ang apat na Filipino Archbishops upang personal na tumanggap ng ‘pallium’ mula kay Pope Benedict XVI.

Kabilang sa mga Arsobispo ay sina Archbishops Luis Antonio Tagle ng Manila, Jose Advincula ng Capiz, John Du ng Palo at Romulo Valles ng Davao.

Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang papal pallium ay isang liturgical insignia ng Arsobispo na gawa sa puting wool, na sumisimbolo sa tanggapan ng Arsobispo, partikular na sa kanilang bond at shared responsibility sa Santo Papa, na maging mga pastor ng kani-kanilang rehiyon.

Ang pagtanggap ng pallium ay huling bahagi ng pagtatalaga sa isang arsobispo.

Nabatid na mismong si Pope Benedict XVI ang magkakaloob ng pallium sa ilang metropolitan archbishops na ini-appoint noong 2011 sa isang concelebrated Mass sa St. Peter’s Basilica sa Vatican noong Hunyo 29.

Kasama ng mga apat na Filipino prelates na nagtungo sa Roma ang ilan sa kanilang mga pari at mga malapit na kaanak.

Kada taon, sa kapistahan nina Saint Peter at Saint Paul, nagbibigay ang Santo Papa ng pallium sa mga bagong talagang Arsobispo sa buong mundo.

Noong nakaraang taon, nabigyan ng pallium sina Archbishops Jose Palma ng Cebu at Sergio Utleg ng Tuguegarao.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply