4M child laborer, pinatutuldukan kay PNoy

NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kay Pangulong Benigno Aquino III na tuluyan nang tuldukan ang child labor sa bansa na umaabot sa 4 milyon base sa pinakahuling datos ng National Statistics Office (NSO).

Sinabi ni Cayetano na kailangan nang matugunan ng gobyerno ang problema sa child labor sa bansa kabilang ang pagtatakda ng mas mabigat na parusa sa pribadong kompanya na kumakalap ng kabataaan at pinagtatrabaho sa mapanganib na kondisyon.

“Napipilitan ang kabataan na magtrabaho sa ilalim ng mapanganib na kondisyon na nagreresulta ng pangmatagalang peklat, hindi lamang sa kanilang pisikal na anyo kundi sa kaisipan at pagbagsak ng moral,” ayon kay Cayetano.

Ginawa ni Cayetano ang panawagan sa harap ng pandaigdigang paggunita sa World Day Against Child Labor sa Hunyo 12, 2012.

Aniya, isa ang Pilipinas sa lumagda sa International Labor Organization (ILO) Convention on the Elimination of Child Labor pero hindi sapat ang batas upang tugunan ang problema na mula sa 4 milyong child workers, umaabot sa 2.4 milyon ang nasa mapanganib na kondisyon ng child labor base sa 2001 datos ng   National Statistics Office.

Tinataya ng ILO na umaabot sa 215 milyon kabataan sa buong mundo ang sangkot sa child labor na kalahati sa kanila ang nasa mapanganib na kondisyon sa pagtatrabaho.

Kabilang sa pinakamatinding child labor ang slavery (pag-alipin), pagbebenta at pagpupuslit ng kabataan, kabataan para sa prostitusiyon at pornograpiya. Kabilang dito ang forced labor sa pamamagitan ng pangangalap ng kabataan na ginagamit sa armadong pakikibaka, at paggamit ng kabataan sa illegal na aktibidad tulad ng bentahan ng droga.

Ayon kay Cayetano, obligasyon ng Estado na pag-aralin ang kabataan at maiwasang hindi siya mabibigyan ng edukasyon at pagsasanay na makatutulong sa pagpapaangat ng kanilang pamumuhay mula sa kahirapan.

Base sa ILO Minimum Age Convention, inaatasan ang bawat estado na magtakda ng minimum age bago tanggapin sa anumang hanapbuhay na hindi bababa sa edad na nakapagtapos sa compulsory education na 15 anyos.

Sinabi pa ng senador na may kritikal na papel na ginagampanan ang lokal na pamahalaan partikular ang barangay leader sa paglutas ng problema ng child labor sa kanilang komunidad.

“Dapat palakasin ng lokal na lider ang kanilang kamalayan sa pagkakaroon ng manufacturing, minahan at iba pang pribadong kompanya sa kanilang komunidad na sangkot sa illegal labor practice at kaagad ipagbawal ang kanilang operasyon,” paliwanag ng senador.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply