$50-dagdag bayad ng OFWs tinutulan

MARIING tinutulan ng Migrante Middle East ang plano ng isang kongresista na dagdag-bayad ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay John Monterona, Migrante ME regional coordinator, wala sa panahon ang panukala ni Manila Rep. Theresa Bonoan-David na amyendahan ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 2010 sa pamamagitan ng paniningil ng karagdagang US$50 o katumbas ng P2,450 sa mga aalis na OFW bilang dagdag-pondo umano sa OWWA emergency repatriation program.

Iginiit pa ng Migrante na tila mali ang natanggap na impormasyon ng kongresista dahil ang tunay na usapin ay hindi ang kawalan ng pondo ng OWWA, kundi ang tamang paggamit ng ahensiya sa emergency repatriation fund.

Inihayag pa ni Monterona na umaabot sa P13 bilyon ang kasalukuyan pondo ng OWWA at kumikita ito sa bangko.

Naniniwala rin ito na hindi naging bukas ang OWWA sa tunay na kalagayan ng trust fund at kung papaano ito ginagasta.

Iminungkahi pa ng Migrante kay Bonoan-David na kung gusto nitong tulungan ang mga OFW ay ilaan ng kongresista ang tinatanggap na P70M priority development assistance fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na ‘pork barrel’ sa OWWA emergency repatriation fund.

Ayon pa sa militanteng organisasyon, hindi dapat gawin ‘milking cow’ o gatasan ng pamahalaan ang mga OFW dahil sa laki ng iniaambag ng mga ito sa ekonomiya ng Pilipinas.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply