8 bus company sumusunod na fix salary

SUMUSUNOD na ang walong kompanya ng bus sa National Capital Region (NCR) sa kautusan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagbibigay ng regular na sweldo sa mga driver at konduktor ng bus.

Ito ay kasunod pa rin ng full implementation ng Department Order 118-12 o ang “Rules and Regulations Governing the Employment and Working Conditions of Drivers and Conductors in the Public Utility Bus Transport Industry.”

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, kabilang sa walong kompanya ng bus na nasa proseso na ng pagtatapos ng kanilang LSCC ay ang: (1) Shem Transport; (2) Original Transport Service and Multi-Purpose Cooperative; (3) Safeway Bus Lines, Inc., (4) Franvill Transit, Inc.; (5) Nicholas Albert Transport Inc.; (6) Nafti Multi-Purpose Cooperative; (7) Alro Transport Cooperative; at (8) PBT Pitbull Bus Transport Corporation.

Inaasahan namang 27 pang kompanya ng bus na may collective bargaining agreements (CBAs) ang magsusumite ng kanilang requirements para sa Labor Standards Compliance Certificate (LSCC).

Hinikayat rin ng DOLE ang lahat ng public utility buses (PUBs) sa buong bansa na mag-avail ng iniaalok na technical assistance ng kagawaran sa pamamagitan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) upang matulungan silang makasunod sa nasabing kautusan.

Ipinaliwanag ni Baldoz na ang LSCC na iniisyu ng DOLE sa mga PUB ay isang requirement na hihingin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pagre-renew ng prangkisa.

Kumpiyansa naman si NWPC Executive Director Ciriaco Lagunzad Jr. na aabot sa 36 kompanya ng bus ang makakaabot sa July 30 deadline ng LTFRB para sa pagsusumite ng LSCC na inisyu ng DOLE para sa pagre-renew ng kanilang mga prangkisa.

Sinabi ni Lagunzad na sa unang Linggo ng Hulyo, mag-iinspeksyon ang DOLE-NCR sa lahat ng 158 bus companies na bumabyahe sa Metro Manila upang tignan kung nakasusunod sila sa DO 118-12.

Umaasa naman si Lagunzad na bago matapos ang Setyembre ay magkakaroon na rin ng compliance certificate ang lahat ng kumpanya ng bus na ang ruta ay sa mga probinsya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply