Abalos ‘di pinayagan ni Judge Mupas na makapagpiyansa

TINABLA ng Pasay City Regional Trial Court branch 112 ang hiling ng kampo ni dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Sr.  na maglagak ng piyansa kaugnay ng kinakaharap nitong dalawang bilang ng kasong electoral sabotage sa 2007 Senatorial Elections.

Dahil dito, nag walk-out ang buong pamilya Abalos sa pangunguna ni dating Comelec Chairman kung saan habang lumalabas sa sala ni Judge Jesus Mupas ay isinisigaw ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na “walang hustisya at garapalan” ang ginagawa umano ng korte.

Nag-ugat ang “walk-out” ng mag-amang Abalos kasama ang misis ng dating Comelec Chairman na si Corazon, mga anak na sina Girlie, at Joy makaraang tanggihan ni Judge Mupas ang motion to discharge nila upang matanggal bilang state witness si dating North Cotabato election supervisor Yogie Martirizar at maging regular witness na lamang.  Makaraang tanggihan ng korte, lahat ng ibibigay na testimonya ni Martirizar ay magagamit laban kay Abalos ngunit hindi magagamit kay Martirizar na isa ring akusado sa kaso.

Sa paliwanag naman ni Abalos, nagpaalam siya sa korte na lumabas dahil sa hindi na niya makayanan na marinig ang nangyayari.  Sinabi nito na nahaharap siya sa “grave injustice” at “garapalan” ang ginagawa ng korte laban sa kanya sa pagpipilit na isalang sa “witness stand si Martirizar kung saan ang isyu na dapat talakayin ay ang kanyang “bail petition”.

Nagpatuloy naman ang pagdinig kung saan pilit na hinarang ng abogado ni Abalos na si Atty. Artemio Tuquero ang pagsalang ni Martirizar ngunit pinagbigyan pa rin ni Judge Mupas.

Sa direct examination na isinagawa ni Comelec prosecution panel Atty. May Alvira Herrera, inihayag ni Martirizar ang ginawang tatlong pulong nilang mga provincial election officer ng lalawigan ng North at South Cotabato at Sultan Kudarat Abril 17, 25 at 20, 2007.  Sa ikalawang pulong, personal na inutusan umano sila ni Abalos na panalunin lahat ng 12 Senatorial candidate ng Team Unity upang hindi umano ito mapahiya sa isang “Pareng FG”.  Tinukoy ng testigo na ang Pareng FG ay si dating First Gentleman Mike Arroyo.

Nagtangka rin umano siyang tumanggi sa iniuutos sa kanya na pagdoktor sa halalan ngunit sinabihan siya ng itinuro niyang “handler” na si Capt. Peter Reyes, ng Intelligence Service of the AFP, na manahimik at sumunod na lamang dahil sa wala na siyang magagawa.  Matapos ang “canvassing” noong Mayo 14, 2007, dinala siya ng kanyang handler sa isang hotel at trinabaho ang mga “extra election forms” para panalunin ang mga kandidato ng pamahalaan.

Iprinisinta rin ni Martirizar ang isang piraso ng papel na ibinigay umano sa kanya ni Capt. Reyes na bigyan ng espesyal na kunsiderasyon kabilang ang siyam na partylist at ilang Senatorial candidate kabilang sina Edgardo Angara, Mike Defensor, Ralph Recto, Miguel Zubiri, Joker Arroyo, Ramon Magsaysay, Jr., Vicente Sotto at Prospero Pichay.

Matatandaan na nitong nakaraang Miyerkules ay pinayagan ni Pasay RTC Branch 117 Judge Eugenio Dela Cruz na magpiyansa si Abalos sa 11 bilang ng parehong kasong electoral sabotage na hiwalay na dinidinig sa kanyang sala.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply