Ambulant vendors sa paligid ng school wawalisin ng MMDA

MAKARAANG paigtingin ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kampanya laban sa  jaywalkers, target na rin ng naturang ahensya ang mga ambulant vendor sa paligid ng mga paaralan sa Metro Manila ngayong unang araw ng pasukan.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, hindi lang ang pagpapaluwag sa daloy ng trapiko ang dahilan sa pagtataboy nila sa  mga ambulant vendor kundi pangunahin na rin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga mag-aaral na tumatangkilik sa mura subalit walang katiyakan kung malinis ang itinitindang pagkain.

Hinimok din ng MMDA ang mga lokal na pamahalaan na tumulong sa kanilang ahensya sa pagbabawal sa mga ambulant vendor na sumasakop sa mga bangketa at lansangan sa paligid ng mga pribado at pampublikong paaralan upang hindi na bumalik ang mga ito.

Kadalasan nang nangyayari na bumabalik ang mga ambulant vendor sa pagtitinda sa mga ipinagbabawal na lugar sa oras na makapagsagawa na ng operasyon ang MMDA.

Nauna nang pinaigting ng ahensiya ang pagbabawal sa pagtawid sa hindi tamang tawiran kasabay ng paghimok na gamitin ang mga itinayong footbridge at pedestrian lanes upang hindi manganib ang kanilang buhay at makaabala sa daloy ng trapiko.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply