AMIN Partylist atbp. sa ARMM reform agenda

PINANGUNGUNAHAN ng Anak Mindanao (AMIN) Partylist ang puspusang paghahanda ng mga taga-ARMM sa gaganaping pagpapalista ng mga botante sa darating na Hulyo 9-18, 2013 makaraang ibasura ang voters list sa limang probinsya na kinabibilangan ng Lanao del Sur, Maguindanao, Tawi-tawi, Basilan at Sulu.

Naunang nagpalabas ng joint resolution ang Kongreso para sa muling pagpapalista at hinikayat nito ang Commission on Elections na ipatupad ito alinsunod sa electoral reforms ni PNoy sa ARMM.

Ayon kay Tom Delmonte, pangulo ng AMIN, nagha-house-to-house sila sa iba’t ibang bahagi ng ARMM para ipaliwanag sa mga residente ang kahalagahan ng pagpapalista.

Tinukoy rin ni Delmonte na ang kontrol ng mga politiko sa mga nakaraang halalan, gaya ng pagdagsa ng flying voters, ay mareresolba sa pamamagitan ng direktang pagpapaintindi sa mga botante sa “sanctity” ng boto bilang karapatan ng bawat nasa hustong gulang.

Para tuluyang maiwasan, dapat na tuloy-tuloy na ilunsad ang voters education program ng AMIN Partylist, pagbibigay-diin ni Delmonte.

“Dapat iorganisa sa bawat barangay ang isang yunit-propaganda na hahawak sa electoral campaign,” dagdag pa ni Delmonte.

Si OIC ARMM Regional Gov. Mujiv S. Hataman ay dating kinatawan ng AMIN Partylist sa loob ng tatlong termino bago ito itinalaga sa kanyang pwesto ni PNoy.

Kung matatandaan, isang electoral summit ang idinaos sa loob ng ARMM complex noong nakaraang Pebrero, 2012 kung saan naging panauhin sina Comelec Chairman Sixto Brillantes at Commissioner Elias Yusoph.

Tinalakay sa nasabing summit ang kagyat na paglilinis sa mga voters list sa ARMM na umano’y punom-puno ng flying voters na nagmumula pa sa mga karatig na lugar ng ARMM.

Pero teka muna! ‘Di ba marami rin namang mga partylist ang nagmula sa Mindanao, partikular sa ARMM, subalit hindi yata naging tulay ang mga ito para makapagbigay-lunas sa iba’t ibang problema na kinahaharap ng mga taga-ARMM.

Mahirap nang banggitin pa isa-isa pero sana’y maging mapanuri ang mga botante sa iboboto nilang partylist para maiwasan muli ang sisihan pagkatapos na makitang wala palang silbi at inutil ang mga partylist sa pagtugon sa mga problema ng iba’t ibang sektor.

Extension lang pala ng power tripping ng ilang mga political dynasty ang pagkopo sa liderato ng mga partylist.

Kapag nga naman nakakuha ng sapat na boto ang isang partylist, uupo sa Kongreso ang napiling nominees dito na taglay ang kapangyarihan at impluwensya ng isang district representative bagamat tanging sa pagiging Speaker sila hindi uubra.

Kaya’t kung susuriin, ang ilang nominees na nakaupo bilang partylist representative ay nagmula sa mga angkan ng mga politiko.

Bagamat may ilang exemption dahil sa positibong pagganap ng ilan habang nakaupo sa Kamara, sana’y huwag itong gawing SOP sa karamihan ng partylist.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply