Ang airport at boykot dahil kay Tambungan

BILANG kontribusyon sa target ni Pangulong Noynoy Aquino na umakit ng 10 milyong turista sa Pilipinas bago ang taong 2016, radikal ang plano ni SBMA Chairman & Administrator Roberto V. Garcia.

Isa na rito ang pagsasara ng Subic Bay International Airport, na wala namang gumagamit at i-convert itong “Integrated Family Resort” tulad ng Sentosa Island ng Singapore.

Ito Ang Totoo: nagpapasok ng may 20 milyong turista kada taon sa Singapore ang Sentosa Resort kaya malaki ang kontribusyon nito sa yaman ng maliit pero napakaprogresibong bansa.

Ito ang pangarap gayahin ni Garcia na naniniwalang posible ito kung aani ng suporta at magiging ganap ang kanyang plano.

Wala na kasing lupain ang Subic na kasing-lawak ng airport na angkop ang lokasyon para sa isang “family-oriented theme park” tulad ng Sentosa ng Singapore.

Pumalag naman ang kapitbahay na Lungsod ng Olongapo.

Nagpatawag ng press conference si Mayor Bong Gordon upang magpahayag ng pagtutol sa pagsasara ng Airport. Sayang nga naman at nariyan na pero ang tanong, napakikinabangan ba?

Ito Ang Totoo: dinudugo ang SBMA sa pagmamantine ng airport dahil wala naman itong kinikita sa kawalan ng regular na gumagamit nito.

Meron namang airport ang Clark sa Pampanga na kalahating oras lang ang layo sa Subic, ani Garcia, kaya may maliliparan at malalapagan pa rin ang mga nangangailangan ng airport sa bahaging ito ng Gitnang Luzon.

Malaki at ambisyoso ang ideya ni Garcia pero ang tumututol na si Gordon ay wala namang alternatibo. Nagsasagawa pa rin naman ng malalimang pag-aaral ang SBMA kaugnay ng plano ni Garcia at kapag tapos na ito, iyon ang tamang panahon upang husgahan ang ideya.

Samantala, nag-boycott ang may 90% ng local media sa Olongapo at Zambales sa patawag na presscon ni Gordon.

Ito’y dahil sa patuloy na pagkakanlong nito kay Olongapo PNP City Director Christopher Tambungan na umano’y nang-harass ng media na nagko-cover ng hostage-taking sa lungsod kamakailan.

Tadtad na pala ng kaso itong si Tambungan sa Laguna at Batangas pa lang tapos ngayon, may mga negosyante at brgy. official sa Olongapo, bukod sa media, ang nagrereklamo laban sa kanyang marahas at masamang asal at gawi.

Wala namang pakialam si Gordon sa mga umano’y inagrabyado ni Tambungan, na personal pa niyang hiningi sa pamunuan ng PNP para maging CD dahil gagamitin daw niya sa pulitika, kaya nagkakaisa ang Olongapo at Zambales Media na i-boykot siya. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 0999400-1162 o sa Facebook http:// www.-facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply