Ang dami palang itlugan ng lamok

TAG-ULAN na talaga.

At alam ba ninyo ang isa sa mga inuna nating libutin sa paligid ng ating bahay?

Yung lahat ng mga pupuwedeng itlugan ng lamok, kasama na ang mga lamok na pan-dengue.

Ang dami palang mga gulong ng sasakyan, lata ng sardinas, kaldero at iba pang bagay na doon naiipon ang tubig at ginagawang itlugan ng mga lamok.

Sa paglawak ng paglilibot natin, hindi lang pala ang ating sariling paligid ang may mga ganito.

Ang ating mga kapitbahay ay mayroon din.

Pati ang mga lansangan o kalsada sa ating mga paligid ay may mga kanal na pinanahanan ng mga tubig.

oOo

Dahil sa mga ito, sinimulan nating linisin ang ating paligid.

Itinaob natin ang mga may halaga at araw-araw nating ginagamit.

‘Yung mga hindi na natin mapakikinabangan ay ikinaway natin sa mga trak ng basura o at sa mga nangangariton ng basura.

Hinayaan nating kumita na rin ang mga pahinante at drayber ng mga trak ng basura at ang mga nangangariton upang kumita.

Magagaling ang mga ito sa pagsunod sa mga di-nabubulok at nabubulok.

Sila na ang mga makikipag-usap sa mga junk shop o tunawan ng mga resayklabol na basura.

oOo

Alam ba ninyo ang isang problema sa paglilinis upang maiwasan ang mga sakit sa tag-ulan?

Pakikipagkapitbahay.

May madaling kausap na mga kapitbahay ngunit mayroon ding hindi nakaiintindi sa mga pagkilos para sa kagalingan ng magkakapitbahay at buong komunidad.

Saka na lang matuto ang iba na makipagkapitbahay kung tinamaan na sila ng mga sakit at ang mga kapitbahay ang nagtatakbo sa kanila sa ospital.

Magtulong-tulong tayo, Suki, sa paglilinis.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply