Anti-Botcha Bill lusot sa ika-2 pagbasa sa Senado

NAKALUSOT sa ikalawang pagbasa ang Anti-Botcha Bill ni Sen. Manny Villar na nagpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa nagbebenta ng double dead na karne o botcha sa pamilihan.

Inihayag ni Villar na inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang Anti-Botcha Bill bago magsara ang sesyon noong nakaraang linggo na isang indikasyon na malapit nang matuldukan ang bentahan ng double dead na karne.

“Nakatakda sa batas na sinumang lalabag sa Anti-Botcha Bill, magmumulta ng mula P10,000 hanggang P50,000 o pagkakulong ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon, bukod pa sa kanselasyon ng business permit,” ayon kay Villar.

Bukod kay Villar, kasama sa may-akda ng Anti-Botcha Bill sa ilalim ng Senate Bill NO. 2746 na kikilanin bilang Meat Labelling Act of 2011, ay sina Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Base sa panukala, ang lahat ng karne ng baboy, baka, galing man sa Pilipinas o inangkat mula sa ibang bansa, ay kailangang sumailalim sa mandatory labeling ng National Meat Inspection Service (NMIS) bago ibenta sa pamilihan.

Ipinaliwanag ni Villar, chairman ng Senate committee on trade and commerce, na kailangang ilagay sa labeling ng karne ang “place of origin” o ang lugar ng pinagmulan ng hayop bago ito kinatay o ang lugar ng pinagkatayan.

Ang iba namang meat products, tulad ng tocino na hinaluan ng additives, kulay at iba pa para maging kaaya-aya ang hitsura ng produkto ay kailangang magkaroon ng malinaw na label na “THIS MEAT HAS BEEN TREATED TO ENHANCE ITS APPEARANCE.”

Idinagdag pa ni Villar na inoobliga din nila sa panukala ang NMIS na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalan ng gobyerno para sa patuloy na information campaign hinggil sa ‘hazardous effects’ ng pagkain ng karne at meat products na galing sa patay na hayop.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply