Araw ng Kalayaan, Pacman at susunod na Chief Justice

TOTOO nga bang malaya na ang mahal kong Pinas bilang isang bansa?

Ang tiyak, matagal na tayong lumaya sa kamay ng mga Kastila.

Noon pang 1898.

Pero hindi dahil sa pagbububo ng dugo ng ating mga ninuno at bayani kundi dahil sa pagbebenta ng mga Kastila sa mga Amerikano ng Pinas sa halagang $20 sa naganap na Treaty of Paris noong 1898.

Pagkatapos nito, isinailalim naman tayo sa Benevolent Assimilation ng mga Kano.

Yun bang === paggawa sa atin bilang sibilisado kuno.

HUNYO 12

Dalawang beses nang idineklara ang Hunyo 12 bilang Araw ng Ating Pambansang Kalayaan.

Unang ginawa ito sa Kawit, Cavite ni noo’y General Emilio Aguinaldo at laban ito sa mga Kastila noong 1898.

Pangalawa ang ginawa ni Pangulong Diosdado Macapagal noong 1962.

Noong nagdeklara si Aguinaldo, pinilit niyang magkaroon ng representante na Kano at may nagsasabing style protectorate ang nangyari sa Pinas. Kinailangan nitong bawat kilos at isip nito ay aprub ng mga Kano.

Noong nagdeklara naman si Macapagal, dahil din sa mga Kano. Hindi inaprubahan ng American Congress ang $73 milyon na hinihiling ng Pinas bilang kabayaran sa pagkasira ng Pinas noong World War II.

Hindi lang naman kasi mga Hapon ang sumira sa Pinas kundi ang mga Amerikano na bumomba nang bumomba kahit sa Metro Manila hanggang sa magkawasak-wasak ang lahat.

NAKAAMBANG KOLONYALISMO

Masama ang kalagayan ng Amerika at inaamin mismo ito ni President Barack Obama ngayong panahon ng kampanya para sa pagka-Pangulo ng kanilang bansa at kabilang siya sa mga kakandidato ulit.

At dahil masama ang kalagayan ng ekonomiya nito, kailangan itong magpanatili ng mga pagkakakitaan.

Ang mga negosyo ng mga Amerikano na dumaraan sa West Philippine Sea ay kailangan na maprotektahan.

Paano mapoprotektahan ang mga ito?

BASE MILITAR ULIT SA PINAS

Pinaniniwalaang magtatayo sila ng base militar sa Pinas.

At ngayon nga ay opisyal nang nagsasabi ang Amerika na rito sa Asya-Pasipiko nila iko-concentrate ang kanilang mga puwersa militar.

Tanong: ‘Yun bang pananatili ng mga Kano sa Mindanao ay palatandaan ng pagtatayo o pagkakaroon na nila ng base militar sa Pinas?

HINDI MALAYA

Kung magaganap ito, babalik na naman tayo sa panahon ng kolonyalismo ngunit sa bagong anyo.

Sa ibang salita, babalik tayo sa hindi pagiging malaya.

Ididikta ng mga dayuhan ang lahat ng mga mahahalagang gawin ng pamahalaan.

At walang sinomang tatayong Pangulo ng Pinas ng walang basbas ang mga dayuhan. Tanungin niyo pa si Manong Ferdie kahit yumao na siya.

Ano nga pala ang gagawin ni Pangulong Noynoy sa tingin ng mamamayan na hindi naman tayo talaga malaya bilang isang bansa?

‘Yun nga lang umanong malalaking negosyo katulad ng mga langis at bentahan ng barkong galing sa junk shop ay palatandaan din ng kolonyalismo o paghahari ng mga dayuhan sa Pinas.

PACMAN PALAOS NA

Pinanood natin ang Manny Pacquiao-Timothy Bradley fight sa National Press Club office sa Intramuros, Manila.

Sinadya nating magkaroon ng sariling pay per view para sa lahat ng mga miyembro ng NPC at AFIMA para maging live ang panonood.

Sa buong laban, may napansin tayo, mga Bro.

Paparetiro na ang mga suntok at galaw ni Pacman.

Tila wala na ang kanyang liksi, bilis at bigat ng kanyang kamao at bilis sa paghabol ng tumatakbong kalaban.

Tila tinatamaan na si Pacman ng edad na patanda nang patanda na karaniwang nagpapatigil sa career ng katulad niya.

Hindi naman masama ang matalo pero kung matatalo ka dahil palaos at nagka-kaedad ka na, aba mag-isip-isip ka na.

Isa kasi sa mga tatamaan ng laos at matanda nang boksingero ay gana ng mga manonood.

Diyan na mawawala ang mga kita ng boksingero.

Kaya kung gusto pa ni Pacman na manatili siyang kampiyon ng masa, patunayan niya sa susunod na laban nila ni Bradley na may ibubuga pa rin siya.

MILAGRO SA LABAN

Tila balak ni Freddie Roach, coach ni Pacman, na paimbestigahan ang ginawang desisyon ng mga huwes sa labang Pacquiao vs Bradley.

Parang may nangyari umanong milagro.

Nagkaroon ba ng ibang mga dahilan para manalo si Bradley sa split decision?

At kung meron, pupuwede bang ideklara si Pacquiao na panalo?

Abangan na lang natin yan, mga Bro.

LABANAN SA PAGKA-CJ

Pukpukan ang labanan sa pagka-Chief Justice sa Korte Suprema.

May mga umaasa na taga-Korte Suprema mismo. Mayroon ding umaasa na mga outsider.

Pero ang inaantabayan natin ay ang pipiliin ni Pangulong Noynoy. Siya lang kasi ang magpapasya kung sino ang susunod na CJ kapalit ng napatalsik na si CJ Renato Corona.

May nagtatanong tuloy: Pupuwede ba umanong kukuha si PNoy ng CJ mula sa labas nang hindi daraan sa Judicial and Bar Council?

Ah, sila na ang bahala riyan. Basta ang bagong CJ sana ay hindi kawatan at sinungaling at pangunahing isusulong nito ang batas, katarungan at interes ng mamamayan at buong bansa.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply