Atyani idedeklarang persona non grata – DILG

IREREKOMENDA ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Department of Justice (DoJ) at Bureau of Immigration and Deportation (BID) na ideklarang persona non grata at huwag nang pahintulutan pang bumalik ng Pilipinas Jordanian national at Al Arabiya news network Southeast Asia bureau chief Baker Atyani bunsod ng gulong nilikha nito ng puntahan ang kuta ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) nang hindi nagpaalam sa pamahalaan.

“I dont know if you call that persona non grata but we will recommend that he be banned from coming here,” ayon kay DILG Sec. Jesse Robredo.

Sa kabilang dako, wala naman siyang nakikitang pangangailangan na sampahan pa ng kaso ang pasaway na si Atyani dahil ang nais lamang nito ay huwag nang pabalikin sa bansa ang katulad nitong foreign journalist.

Pumiyok ang gobyerno na hindi nila hinahanap si Jordanian national at Al Arabiya news network Southeast Asia bureau chief Baker Atyani.

Kaya nga, hindi big deal sa kanila kung ang may hawak rito ay ang bandidong grupong Abu Sayyaf o hindi.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Jesse Robredo na hindi naman nasaktan o binantaan si Atyani at nasa maayos naman itong kalagayan.

“Palagay ko hindi siya hinahanap in the sense na may search and rescue operations but then we are waiting ano ba talaga ang sitwasyon niya doon. If that is communicated to us then we will act accordingly,” ayon kay Sec. Robredo.

Iyon aniya ang dahilan kung bakit hindi sila nagtakda ng deadline sa bagay na ito.

“Palagay ko ang hudyat galing sa kanila kasi halimbawa, kung hindi ito isang media incident, palagay ko it’s just one media man interviewing someone taking his sweet time, kung gusto niyang matagal tapos lalabas na siya kung tapos na siya. Ang problema dun isang foreigner, may dalawang  Filipino na kasama pumunta sa isang lugar na delikado that’s why we are looking at it,” ang pahayag ng opisyal.

Naniniwala si Sec. Robredo na inaasikasong mabuti si Atyani at ang 2 Pinoy cameramen na kasama nito na mag-iinterview sa ASG.

“Without going to the details of it, meron pag-uugnayan sa kanya. That’s why I’m definite that they are safe, they are not threatened. Maayos ang pag-asikaso sa kanila. My impression is the Jordanian journalist is taking responsibility for the two of them,” aniya pa rin.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ng pamahalaan na lumutang si Atyani para masabi ng mga ito na tapos na ang lahat.

“But you know we are recommending that from here on, ‘wag na papasukin sa bansa ang Jordanian journalist, kasi,  una, may sinusunod tayong patakaran para safe sila. Sabi ko nga, may element of deception yung ginawa niya. Sana kung nais niyang mag-interview doon ay nagpaalam siya, sana  yun ang gagawin niya para naman kung ano yung gagawin natin mayroon tayong tugon, dahil noong nandito siya, inasikaso siya,” ang pahayag ni Robredo.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply