Babalang balewala

NAGBABALA umano si Pangulong Noynoy Aquino sa mga illegal logger at mga kasabwat nitong mga awtoridad na ikakalaboso kung hindi pa magluluwat sa paninira ng kabundukan ng bansa.

Pero bakit wala akong nakikitang nanginginig sa takot sa hanay ng mga walanghiyang ito?

Ano nga ba talaga ang epekto ang pagpapa-astig ng Pangulo noong ika-25 anibersaryo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)?

Palagay naman ng kolumnistang ito ay mayroon naman kahit paano. Tatalima ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ) at DENR sa instruksyon ng kanilang amo. Wala naman silang choice.

Pero ang tanong ay gaano kaseryoso, kalalim, kalawak at katagal ang gagawin nilang kampanya laban sa illegal logging operations sa bansa.

Mahilig magpabalat-bunga ang mga ito.

Bubulungan lamang ang mga contact sa operasyon na “magpalamig” muna hanggang makalimutan na ng mga nakarinig at nakabasa ang pahayag ng taga-Malakanyang at sesenyasan na lamang kung itutuloy na ang ligaya.

Ganyan naman parati. Ang mga babala tuwing anibersaryo ay siya pa rin ang uungkatin sa susunod na anibersaryo.

Pero kung may makukulong, lalo na kung malaking isda, ay hindi mababalewala ang babala.

Sana nga ay hindi biro lamang (mahilig kasi mag-joke itong si PNoy kaya kung minsan ay di ko alam kung seryoso na ang sinasabi) ang pag-aatas niya sa Bureau of Corrections (BuCor) na ihanda ang pupuwestuhan ng mga illegal logger.

Sabi ng Pangulo, pupunuin niya ang mga kulungan ng mga rapist ng kabundukan. Magiging siksikan umano ang mga ito.

Tuparin lang niya ito ay sobra-sobra na ang nagawa niya hindi lamang sa panahon ng kanyang panunungkulan kundi hanggang sa maraming parating na henerasyon sa bansa.

Kahit paano ang kanyang kapalpakang nagawa o magagawa sa susunod na apat na taon ay mapatatawad siya ng sambayanan at kasaysayan, basta mapakalaboso niya ang mga kaaway ng kalikasan

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply