Back to school tips

TATLONG tulog na lang at muling magbubukas ang klase sa mga pampubliko at ilang pribadong paaralan.

For sure ngayong nakasweldo na sina nanay at tatay ay diretso sila sa mga mall o tindahan ng school supplies upang maihabol ang mga gamit sa eskwela nila totoy at nene.

Tuwing pasukan nasusubukan ang husay ni nanay sa pagbabadyet. Siyempre, kailangang magtipid para may matira sa perang kinita na ilalaan naman sa iba pang bayarin at pangangailangan ng pamilya.

Tips

1. Gumawa ng listahan kung ano-ano ang mga dapat bilhin. Dapat sundin ang listahan at iwasang bumili ng mga hindi kailangan.

2. Balikan ang mga lumang gamit sa eskwela at paliin kung ano-ano pa ang maaaring mapakinabangan. Pwedeng pagsama-samahin ang mga pahina ng lumang notebook na walang sulat, dito ay makabubuo ka ng bagong kwaderno.

Ang mga lumang pencil case, kung maayos pa ay maaari itong muling ipagamit. Kung maaayos pa ang sapatos nina nene at totoy ay palinisan na lamang ito sa sapatero. Kung may bahagyang sira ang sapatos at pwede pang ipagawa ay gawin na upang makatipid. Ganito rin ang gawin sa mga payong lalo na ngayong opisyal na inihayag na ang pagpasok ng tag-ulan.

Kung maayos ang mga uniporme ay ipagamit pa ito sa mga anak. Bumili na lamang ng ilan upang may pamalit sila. Tandaan na kapag isa lang ang uniform ng mga anak ay magastos ito sa sabon at tubig, dahil kailangang araw-araw na labhan. Hirap pa namang magpatuyo ngayong tag-ulan na.

3. Subok na ang Divisoria sa mga nagtitipid ngunit tandaan lamang na piliing mabuti ang mga bibilhin dito. Tignan o suriin ang yari sa plastic at siguraduhing walang nakalalasong kemikal lalo na kung ang gamit ay para sa mga bata.

Iwasang bumili ng mura na madaling masira o may mahinang kalidad. Maghanap ng mura ngunit matibay na yari ng bag, uniform, payong, pencil case, lunch box at iba pa.

Hanapin kung saan may Diskwento Caravan ang Department of Trade and Industry (DTI), dito mabibili sa napakamurang halaga ang mga gamit na may maayos na kalidad.

4. Bumili ng buo o maramihan. Mas makatitipid kung bibili ng buo lalo na sa pad paper, lapis at ball pen. Itabi bilang reserba ang iba at ilan lamang ang ipagamit sa mga anak.

Hanapin ang mga sale o promo na nag-o-offer halimbawa ng “buy one, take one.”

5. Kung malapit lamang ang paaralan ay sabihan ang mga anak na lakarin na lamang ito kaysa gumastos sa pamasahe. Maaaring sa pagkain o baon na lamang ilaan ang pera para sa pamasahe. Tandaan na ang paglalakad ay isang mahusay na ehersisyo.

6. Pagbaunin ang mga bata ng nakabubusog at masustansiyang pagkain. Mas tipid na ito, nakabubusog at healthy pa. Sa pamamagitan nito, namo-monitor din ang kinakain ng mga anak.

Gisingan blues

Isa pang mae-encounter nina nanay at tatay ay ang “gisingan blues” tuwing umaga. Common na scenario ito sa mga tahanan tuwing pasukan. Hirap na hirap sina nanay at tatay na gisingin ang mga bagets sa umaga. Ang solusyon, matulog nang maaga.

Ngayong weekend, sanaying matulog ng maaga ang mga bata. Iwasan na payagan silang manood ng telebisyon nang super late na, gayundin sa paglalaro ng computer games.

Upang makatulog ng maayos ay makatutulong din ang isang baso ng gatas at ang paglilinis ng katawan o paliligo bago matulog.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply