Bagitong Pinoy netter humaharabas sa Indonesian tourney

NAGTALA ng dalawang sunod na impresibong panalo ang bagitong netter na si Alberto Lim Jr. para makaabante sa 3rd round ng ITF (International Tennis Federation) Oneject Indonesia na idinaraos sa Siliwangi Tennis Courts sa Bandung, Indonesia.

Ipinahiya ng 13-anyos na si Lim ang beteranong si Jatinder Singh ng India sa unang yugto sa 4-6, 6-0, 6-0 panalo bago iniligwak ang third pick na si Wen-Chun Liang ng Chinese Taipei sa iskor na 6-1, 6-1.

Makahaharap ni Lim sa 3rd round si Nut Rungsithmongkol ng Thailand na nanalo kontra Fabian Ariesto Soemarno ng Indonesia, 6-0, 6-2, sa torneong may basbas ng ITF at may markang 4th level.

Umentra si Lim sa 64-man main draw makaraang payukuin sa qualifying round sina Naufal Hamid ng Indonesia , 6-1, 6-0; Warit Boonrak ng Thailand , 6-1, 6-2; at Joshua Ginting ng Indonesia, 6-3, 6-1.

Pakay ni Lim na sungkitin ang ikalawang magkasunod na korona sa Indonesia nang unang pagharian ang boys’ 16-under event ng 2012 Thamrin Cup Indonesian Championships na idinaos sa Jakarta noong nakaraang linggo.
Namayani sina Lim at Harsya Rusmiputro ng Indonesia sa doubles laban kina Pradana Desvito Zaki at Dicky Tri Wickaksono ng Indonesia, 6-4, 6-2, para tumuntong sa second round.

Makasasagupa nina Lim at Rusmiputo sa susunod na yugto sina Kuan-Yi Lee at Liang Yu Lin ng Chinese-Taipei na nanaig naman kina Arthur Maruli Hutabarat at Joel William Ivander Suhendi ng Indonesia, 6-0, 6-1.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply