Bagong pasaporte mahinang klase– BI

BINALAAN ng immigration officials sa Ninoy Aquino International Airport terminals ang mga manlalakbay na Pinoy na madaling masira ang bagong labas na pasaporte dahil sa mahinang kalidad nito at hindi dapat gumamit ng plastic o leather jacket dahil madali itong mapilas kapag inilabas.

Ito ang inihayag ngayon ni Marie Vitan, immigration deputy chief of operations sa Ninoy Aquino International Airport arrival area.

Aniya, halos araw-araw na ganito ang problemang natatanggap nila mula sa mga balikbayan na nagsasabing madaling masira ang hawak nilang bagong passport, lumuluwag ang mga pahina hanggang sa takip nito hanggang sa tuluyang nagkakahiwa-hiwalay.

Dahil dito, sinabi nina immigration supervisors Augustus Caesar Morales at Rosario Teano na ‘wag ipasok ang passport sa clear plastic na karaniwang ibinibenta ng mga vendor. Anila, maraming Pinoy na naglalakbay sa ibang bansa ang nakaranas ng kahalintulad na problema pagdating nila sa pupuntahang bansa.

Napapahiya umano ang mga OFW sa harap ng foreign immigration officials sa pagkakahiwalay-hiwalay ng kanilang mga passport dahil natatagalan sila sa pagtatak nito at pinaghihinalaan tuloy na peke ang kanilang dokumento.

Nabatid na gawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas printing press ang naturang pasaporte dahil may security papers ang mga pahina nito.

Ang mga pasaporte na may bisa sa loob ng limang taon ay may maliit na microchip na naglalaman ng lahat ng detalyeng may kinalaman sa may-ari nito.

Binabasa umano ng machine ang ‘coded encryption’ nito kaya’t napadadali ang pagproseso sa mga pasahero at madaling madetermina kung nasa blacklist o nasa talaan ng mga wanted person sa International Police ang isang pasahero.

Inihalimbawa nito ang isang Filipino-Chinese business na naglakbay sa Hong Kong kamakailan at nagpakita ng kanyang bagong passport sa Hong Kong immigration gayundin ang expired passport na nakapaloob sa leather jacket.

Nang tanggalin ang pasaporte sa leather jacket, kumalas ang ilang pahina nito mula sa jacket kaya’t sinabihan itong gawa sa mahinang kalidad ang kanyang pasaporte.

Nagreklamo naman ng  ilang OFW na nang papalitan nila sa DFA ang kanilang nasirang passport, pinaghintay pa sila ng 15 araw.

Sinabi pa ng airport immigration officials na dapat ikonsidera ng DFA ang pag-iisyu ng mas matibay na travel document dahil ang mahinang kalidad nito ay nagpapakita ng kahinaan ng bansa sa pangangalaga sa kanilang mamamayan, partikular na sa mga tinaguring ‘bayani’ na nakapag-remit sa bansa ng P21B noong nakaraang taon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply