Bagyong ‘Talim’ paparating na

PAPASOK na ngayong gabi ang bagyong Talim sa Philippine area of responsibility at tatawagin itong bagyong Carina.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang bagyo sa 440 kilometro ng Hilaga-Hilagang Kanluran ng Basco, Batanes, kaninang alas-4:00 ng hapon.

Taglay ni Carina ang lakas ng hangin na nasa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 90 kilometro bawat oras habang tinatahak ang Hilagang Silangan sa bilis na 30 kilometro bawat oras.

Sa pagtaya ng PAGASA, bukas ng umaga ay nasa 560 kilometro ng Hilaga ng Basco, Batanes ang bagyo.

Tatahakin ni Carina ang direksyon patungong Taiwan.

Gilid lamang ng teritoryo ng bansa ang daraanan ng bagyo kung hindi mag-iiba ang direksyon nito.

Pag-iibayuhin ni Carina ang Hanging Habagat na magdadala ng pag-ulan sa Hilaga at Gitnang Luzon na maaring magdulot ng landslides at flashflood.

Samantala, hindi pa man tuluyang pumapasok sa teritoryo ng bansa si Carina ay namataan naman ang isang low pressure area sa 750 kilometro ng Silangan ng Eastern Visayas.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply